Aabot sa ₱3,757,000 halaga ng pinaghihinalaang shabu ang nasabat sa magkahiwalay na anti-drug operations na ikinaaresto ng anim na umano'y drug pusher sa Muntinlupa City at Pateros nitong Oktubre 7.
Sa ulat ng National Capital Regional Police Office ( NCRPO), ang unang operasyon ay isinagawa sa Daang Hari, Ayala Alabang na ikinaaresto nina Bobby Cbak Cabance at Jesus Borja Cruz, dakong 3:02 ng hapon.
Nakumpiska kina Cabanse at Cruz ang 500 gramo ng iligal na droga na nagkakahalaga ng ₱3.4 milyon; P1,000 buy-bust money; cellular phone at kotseng ginamit ng mga ito.
Dakong 4:30 ng hapon, nadakip naman sina Marvin De Guzman, alyas Marvin at Mark De Guzman, alyas Macmac; Renato Tabera, alyas Kenneth, at Renaldo Reyes, alyas Padong sa No. 1156 P Rosales St., Brgy. Sta Ana sa Pateros.
Narekober sa apat ang 52.1 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱357,000; P500 buy-bust money; at drug paraphernalias.
Inihahanda na ng pulisya ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa anim na suspek.
Bella Gamotea