Bumuhos ang kulay pink sa ilang social media platforms matapos ang paghahain ni Vice President Leni Robredo sa pagkapangulo sa Halalan 2022.
Kakaibang estratehiya ito sa ilan dahil kilalang dilaw ang kulay ng Liberal Party na pinamumunuan ni Robredo, hango pa sa 1986 EDSA Revolution matapos ang asasinasyon kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
Habang hindi raw pinili ng kanyang team, pink daw ang piniling kulay ng mga tagasuporta ni Robredo.
“Wala kaming plano sa kulay. Hindi namin naplano yung kulay kasi alam niyo naman kung gaano ka-belated yung aming decision. Pero eto kasi yung naging kulay nung groundswell ng volunteers,” sabi ni Robredo.
Binahagi mg Bise Presidente na kulay pink ang piniling kulay ng kanyang mga tagasuporta sa Facebook at maging ang mga ribbons na sinabit ng kanyang mga tagasunod sa likod ng Quezon City Reception House kung saan siya nag-oopisina.
“Parang eto talaga yung naging simbolo ng activism tsaka protest ng volunteers. So kami naman lagi naming sinabi, kami ay nakikinig,” sabi ni Robredo.
“Kami ay nakikinig sa taumbayan na kung palagay nila ito yung kulay na magsi-symbolize ng sama-samang aspiration para mapalitan na yung klase ng pamumuno na mayroon tayo ngayon, gagawin namin yun,” ani Robredo na naghain ng COC sa pagkapangulo nitong Huwebes.
Matatandaang pinatalsik ng 1986 EDSA Revolution ang dating Pangulo na si Ferdinand Marcos sa pamamagitan ng puwersa at pangunguna ng asawa ni Ninoy na si Corazon “Cory”Aquino.
“Yung pink ngayon ay siya yung lumalabas na global symbol of protest and activism. Global siya, hindi lang dito sa Pilipinas,” pagbabahagi ni Leni.
“Ang nilalabanan natin ngayon, hindi lang yung pagbabalik ng anak ng diktador. Pero ang nilalabanan natin ngayon, masamang pamamahala na siya yung nagiging sanhi ng mga problemang pinagdadaanan natin ngayon; yung bulok na klase ng politika na paulit-ulit nangyayari sa atin ngayon,” dagdag niya.
Si dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr, ang isa sa makatutunggali ni Robredo sa Halalan 2022.
Matatandaang tinalo ni Robredo si Marcos sa pagka-bise-presidente noong Halalan 2016.
Ellson Quismorio