Naglunsad ng isang pink puto drive ang isang traffic enforcer sa Alabang, Muntinlupa upang suportahan ang presidential bid ni Vice President Leni Robredo.

Jamie Martinez (left) and her pink puto to support the presidential bid of Vice President Leni Robredo (Jamie Martinez)

Sinabi ni Jamie Martinez sa Manila Bulletin na fan at supporter siya ni Robredo at ng kanyang asawa na si Jesse na naging kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) at mayor ng Naga City.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Naisip niya ang ideyang ito nang malaman niya noong gabi ng Oktubre 6 na iaanunsyo ni Robredo ang political plan nito kinabukasan. 

“Nag-isip po ako kung ano yung magandang pagpapakita ng suporta sa kanya. Baka sakali tumakbo si Leni kasi may announcement siya ng October 7," ani Jamie.

Kinausap niya rin ang kanyang mga kapitbahay na volunteers, na mga nanay din, at tinanong sila kung nais nilang magkaroon ng feeding program ng Oktubre 7.

Naisip nilang gumawa ng "lugaw" dahil ito ang "label" kay Robredo, aniya. Ang tanging problema nila ay hindi nila magagawang kulay pink ang lugaw. Sinabihan siya na ang kulay na gagamitin ni Robredo ay pink at blue.

Puto and lugaw for Leni Robredo (Jamie Martinez)

Naalala ni Jamie ang kanyang kaibigan na may sakit ang anak. Kaya naman sinabihan niya ito na gumawa ng puto na kulay pink upang matugunan din ang panggamot ng anak nito.

Nag-order siya ng P300 worth na pink at blue na puto at nirequest niyang dalhin ito ng 10:30 ng umaga bago ang pag-aanunsyo ni Robredo.

“Kailangan ko yan 10:30 ng umaga kasi mag-uumpisa ako mag-feeding eksaktong alas-11. Yun yung eksaktong oras kung saan magsasalita si VP Leni," dagdag pa niya.

Nakaset up ang lamesa sa Purok 7C sa Bgy. Alabang na kung saan nakalagay ang mga puto at lugaw na ibibigay niya sa kanyang mga kapitbahay.

Naiyak si Jamie nang inanunsyo ni Robredo na tatakbo itong presidente sa May 2022 elections.

“Naiyak po kasi syempre ang tagal na e. Mag-six year ng ganito yung sitwasyon tapos nag-pandemic pa," aniya.

Aniya, ipagpapatuloy niya ang inisyatibong pink puto at lugaw kung mayroon pa siyang pera para dito.

Jonathan Hicap