Tila naglabas ng galit si Manila Mayor Isko Moreno kay Vice President Leni Robredo sa harap ng midya nitong huling araw ng paghahain ng certificate of candidacy (COC), Oktubre 8.

Matatandaang trending ang #WithdrawIsko nitong Huwebes, Oktubre 7 kasunod ng paghahain ng kandidatura pagkapangulo ni Robredo.

Hinikayat ng ilang netizens ang pagsasanib-puwersa ng oposisyon, kabilang na ni Moreno laban sa mga kandidato ng administrasyon at kay dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tatakbo rin sa pagkapangulo.

"Huwag kayong malilinlang sa pagpapalitan ng kulay.... Ang tanso, tubugin man ng ginto ay tanso pa rin,” ani Moreno na tumutukoy sa pagpapalit ng political color ni Robredo na ngayo’y pink na.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sa isang panayam nitong Biyernes, tinanong ng midya si Robredo kung naging dahilan ba ang mga naunang pahayag ni Moreno ukol sa pamilyang Marcos sa kanyang pasyang pagtakbo bilang Pangulo, sagot lang nito’y, “in a way.”

Nakaraang buwan nang banggitin ni Moreno na magiging isang “healing president” siya sakaling mahalal na Pangulo. Sinabi rin nitong dapat patunayan ni Bongbong na iba siya sa kanyang ama.

"Maraming points na hindi kami aligned. Mahirap ipilit yung unity kung sa basic na prinsipyo hindi kayo nagkakaisa," sabi ni Robredo sa midya nang hingan ng reaksyon sa naging pahayag ni Moreno.

“Meron mga non-negotiable. ‘Yong mga Marcos, non-negotiable ‘yon sa akin,” dagdag ni Robredo.

Hindi naman ito ikinatuwa ng alkalde at agad na tinira pabalik si Robredo.

“Yon lang ang dahilan niya kung bakit siya tatakbo? Dahil lang laban sa mga Marcos na naman? Paano naman kaming mga Pilipino? Wala kaming trabaho,” sabi ni Moreno.

“Maraming Pilipino ang nagdidildil na lang ng asin. Maraming mga Pilipino naghihintay ano ang mangyayari sa kanyang kinabukasan, Marcos na naman?” dagdag ni Moreno.

“Bakit kailangan uminog ang mundo naming ngayon sa away ng Marcos at Aquino?; sa away ng anak ni Marcos at mga kasama ng ‘yellowtards?’ Ay pink na pala,” pagpapatuloy ni Moreno.

Sunod na binatikos ni Moreno si Robredo na bigong naitaguyod ang united opposition.

Ani Moreno, "You cannot talk of unity, eh you yourselfhindi mo nga ma-unify sarili mo. You are not even proud of your party, oh my god.Kung kaya mo iwanan 'yung mga kasama mo, paano pa kaming 110 million Pilipinos?"

Naunang sinabi ni Robredo na isang paghahayag ng senyales ng bukas pakikipag-alyansa ang nais nito kaya’t tumakbo siyang independent candidate kahit pa siya ang kasalukuyang chairman ng Liberal Party (LP).

Nagpahayag din ang alkalde ng pagkadismaya sa mga tagasuporta ni Robredo na nagpa-trend sa #WithdrawIsko nitong Huwebes.

"Akala ko ba nag-ra-rally sila ng demokrasya? Bakit yung demokrasya ba, sila lang ang may-ari? Or yung demokrasya, pinapraktis ng isandaang mahigit milyong Pilipino?"ani Moreno.

Wala pang tugon si Robredo ukol sa mga maanghang na pahayag ni Moreno laban sa kanyang kampo.

Parehong potensyal na pinagpilian bilang presidential nominee ng opposition coalition 1Sambayan sina Robredo at Moreno.

Matapos ang ilang diskusyon at naunang pag-anunsyo ng kandidatura sa pagkapangulo ni Moreno, at nabuwag ang “unity talks” dahilan para hikayatin ng coalition ang pagtakbo ni Robredo sa pinakamataas na posisyon sa bansa para sa Halalan 2022.