Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang 5.2-magnitude na lindol sa Batangas kaninang madaling araw, Biyernes, Oktubre 8.
Ito ang aftershock mula sa 6.6-magnitude na lindol sa Calatagan, Batangas noong Hulyo 24, 2021.
Ayon sa isang bulletin nitong Biyernes, nasa layong 19 na kilometro, hilagang kanluran ng Calatagan, Batangas ang epicenter ng lindol na naganap dakong 2:14 ng madaling araw.
Naramdaman ang Intensity II sa Calatagan.
Naramdaman naman ang Intensity II sa Calapan City, at Puerto Galera, Oriental Mindoro; Makati City; at Olongapo City; at Intensity I naman sa Batangas City, at Calatagan, Batangas; Tagaytay City, Cavite; Plaridel, Bulacan; at Marikina City.
Ayon sa Phivolcs, tectonic ang pinagmulan ng lindol.
Gayunman, sinabi rin ng Phivolcs na walang inaasahan na aftershocks at pinsala sa lindol na ito.
Matatandaang, nangyari ang 6.6-magnitude na lindol noong Hulyo 24 sanhi ng paggalaw sa Manila Trench-- isang earthquake generator na matatagpuan sa kanluran ng Luzon Island na halos nakahilera sa hilaga ng Philippine archipelago na malapit sa timog ng Occidental Mindoro.