Nagpaalam na sa kaniyang programang 'TeleRadyo' ang isa sa mga A-listers ng ABS-CBN sa larangan ng broadcasting na si Kabayan Noli De Castro, matapos niyang manumpa sa Aksyon Demokratiko nitong Huwebes, Oktubre 7, 2021, bilang kandidato sa pagka-senador sa ilalim ng tiket ni Presidential Candidate Manila Mayor Isko 'Moreno' Domagoso.

Sa kaniyang programang TeleRadyo, nagpaalam na nga si Kabayan sa mga tagasubaybay na Kapamilya.

“Sorry to say na ito ho ang huling araw ko sa TeleRadyo for so many years, at kami ho ay nagpapasalamat sa mga nakasama ko dito,” ani Kabayan.

“Ako po’y makikipagsapalaran sa bagong uri ng panunungkulan o public service. Pero tuloy-tuloy ang ating public service. Medyo itong pagkakataon na ito e mas magiging malawak na po ang isasagawa kong public service kung suswertehin sa tulong na rin po ninyo…"

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Malungkot si Kabayan na lilisanin niya ang network na wala pa ring prangkisa. Hangad niya na kung sakaling maibalik ulit ang prangkisa ng network sa 2022, sana ay makabalik ang mga empleyadong natanggal. Nagpasalamat siya sa lahat ng mga naging tagatangkilik ng kaniyang programa.

“Ang malungkot lang ho e aalis ako rito nang wala pa rin kaming prangkisa. At sana’y dumating ang pagkakataon na lahat ho ng mga natanggal sa ABS-CBN ay makabalik na… Maraming-maraming salamat po sa inyong pakikinig sa amin sa nakalipas na napakaraming taon sa radyo at sa telebisyon.”

Sa ngayon ay mapapanood pa rin siya sa flagship newscast ng Kapamilya Network na 'TV Patrol' kasama sina Bernadette Sembrano-Aguinaldo at Henry Omaga Diaz. Hindi pa siya nagpapaalam sa naturang programa.