Ang pagboto o pagpili ng nararapat na pinuno ng bayan ay sagrado at bahagi umano ng biyaya ng Panginoon ang taglay na karapatang ito ng bawat mamamayan.

Ito ang sinabi ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, national director ng Caritas Philippines, sa inilunsad na election campaign ng Halalang Marangal 2022, na binubuo ng iba’t ibang grupo ng simbahan na layuning magbigay ng gabay at kaalaman sa mga botante para sa nalalapit na halalan.

Ayon kay Bagaforo, ang pagpili ng kandidato ang siyang magiging bahagi ng bawat isa para sa sambayanan kaya’t mahalagang ito ay dumaan sa mabuting pagsusuri.

“Ang ating pagpili ay sagrado at ‘iyon ay biyaya, kung ano man ang atin pipiliin at kung sino man ang ating iboboto yun ang ating biyayag maiiwan sa susunod na henerasyon kaya’t napakahalaga,” ani Bagaforo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Una na niyang sinabi na ang sinuman sa ating mapipiling ihahahal ay siya ring salamin ng ating pagkatao at paninindigan.

Samantala, hinimok naman ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)-Episcopal Commission on the Laity, ang mga botante na tiyaking tapat sa pamilya ang ibobotong kandidato, dahil ang usapin ng pamilya ay usapin din aniya ng politika.

Ayon kay Pabillo, dapat na kabilang sa mga suriin ng botante sa mga kandidato sa darating na halalan ay ang estado at pagiging tapat sa kanilang pamilya.

Ipinaliwanag ng Obispo na mahalaga ring suriin ng mga botante ang paninindigan ng mga kandidato sa pagpapatatag ng pamilyang Pilipino.

“Ngayong mag-eeleksyon na, isa sa mga pagsusuri natin sa mga kandidato ay paano ba ang pamilya niya? Kung hindi siya tapat sa kanyang pamilya, magiging tapat ba siya sa kanyang mga pangako? Ano ang paninindigan niya sa pagpapatatag ng pamilya? The family is the basic unit of society. Kapag malakas ang basic unit natin, makakaasa tayo ng matatag na lipunan. Kaya ang usapin ng pamilya ay usapin din sa politika,” paliwanag pa ng obispo.

Mary Ann Santiago