Tinawanan lamang ni Manila Mayor Isko Moreno ang panibagong paninira sa kanya sa social media na naglalarawan sa kanya bilang kaalyansa ng Community Party of the Philippines- New People’s Army (NPA).

“Sa mga trolls na nagsasabi na NPA ako, hindi po ako NPA,” ayon pa kay Moreno.

Ipinaliwanag pa ni Moreno na ang mga larawan kung saan kasama niya si CPP founding chairman Jose Ma. Sison, na naglalabasan sasocial media, ay may layuning papaniwalain ang mga netizens na siya ay ‘coddler’ o nagkakanlong ng NPA.

“Mapalad po ako na noong naging Presidente si Pangulong Duterte, in-appoint ako para mag-participate sa peace talks. Dahil ho siya, inaalagaan niya yung mga NPA nung araw sa Davao. May relasyon si Presidente sa NPA. Naging observer ako ng peace talks sa Oslo, sa Netherlands at na-meet ko si Joma at mga military,” ayon pa sa alkalde.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi pa ni Moreno na sa kanyang pakikinig at pagmamasid ay marami siyang natutunan sa kahalagahan ng kapayapaan.

“We must seek peace because the people deserve peace.Hindi na baleng mahirap basta panatag ang tao. Ngayon, ‘yung mga spin master, ‘yung mga bata ng pulitiko, hindi nila pinapakita yung picture namin kasama ng military. Puro CPP-NPA-NDF lang. Kina-crop nila ‘yun eh,” pahayag ni Moreno, sabay tawa.

Inihalimbawa rin niya ang larawan na hindi inilalabas tulad ng agreement signing, kung saan kasama siya sa mga posterity shots kabilang ang mga observers at consultants.

“I really don’t care. I know I am a Filipino. I know I love this country and I have been serving for long. I also pledge allegiance to the flag every Monday during our flag-raising ceremony in City Hall. One flag, one country,” sabi ng alkalde.

Kasabay nito, binalaan rin ni Moreno ang lahat na nagpipilit at gumagawa ng paraan para iugnay siya sa mga komunista, na matakot sa buwelta ng kanilang ginagawa.

“Alam ko, sa hirap ng buhay, patipa-tipa ka lang sa computer kikita ka na. Magbabayad politiko. Good luck. Mag-iingat kayo pagbawi niyan, pag-upo ng mga nagsisinungaling sa kasaysayanAng bawi niyan, Diyos ko, grabe,” babala pa niya.

Nagpahayag rin ng paniniwala ang alkalde na ngayong malapit na ang halalan ay marami pang tatahiing kasinungalingan ang kanyang mga kalaban sa politika upang sirain ang kanyang pagkatao.

Si Moreno ay matatandaang nagsumite na ng kanyang certificate of candidacy (COC) sa pagkapangulo noong Lunes para sa May 9, 2022 national elections.

Makakatandem ni Moreno sa halalan ang sikat na vlogger na si Dr. Willie Ong, na naghain na rin ng COC sa pagka-bise presidente.

Samantala, nanumpa na rin si dating Vice President at broadcaster Noli de Castro bilang panibagong karagdagan sasenatorial slate ng Aksyon Demokratiko.

Sinabi ni Moreno na ang pagsama ni De Castro sa partido ay malaking tulong dahil naupo na ito bilang ikalawa sa pinakamataas na opisyal ng Pilipinas.

Mary Ann Santiago