Posible umanong makapagdaos rin ang pamahalaan ng pilot testing ng limitadong face-to-face classes sa Metro Manila kung maisailalim na ang rehiyon sa Alert Level 2 sa COVID-19.
Nabatid na ang isang lugar ay isinasailalim sa Alert Level 2 kung mababa na ang COVID-19 transmission at health care utilization doon.
“Dapat nasa low or minimal risk ang mga areas na isasama natin para ating masiguro ang kaligtasan ng ating mga guro at ating mga estudyante,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang briefing sa Malakanyang.
“If NCR will be able na bumaba na ang mga kaso, bumaba ang hospital utilization at napunta na sa Alert Level 2, makakasama na doon,” aniya pa.
Nilinaw naman ni Vergeire na ang risk classification ay hindi kailangang community- o region-wide.
Aniya, maaaring payagan ng pamahalaan ang isang paaralan o barangay o maliit na lugar na lumahok sa pilot testing, kung ang panganib ng COVID-19 doon ay mababa, kahit pa ang buong NCR ay nasa ilalim pa rin ng Alert Level 3 o mas mataas pa.
Gayunman, masusi pa aniya nila itong pinag-aaralan sa ngayon.
“Maaari nating isama ‘yun pero sa ngayon pinag-aaralan lang muna maigi. Mag-uusap uli ang DOH at Department of Education ukol dito,” aniya pa.
Matatandaang una nang sinabi ng DepEd na ang pilot implementation ng face-to-face classes sa bansa ay magsisimula sa Nobyembre 15 sa mga COVID-19 low risk areas at magtatapos sa Enero 31, 2022.
Sa ngayon ay 59 paaralan pa lamang ang pumasa sa risk assessment ng DOH para makalahok sa naturang pilot run ng face-to-face classes, at ang mga ito ay pawang nasa labas ng NCR.
Ang Metro Manila ay kasalukuyan pang nasa ilalim ng Alert Level 4 sa COVID-19 hanggang Oktubre 15.
Mary Ann Santiago