Tinapos na ni Vice President Leni Robredo ang ilang buwang espekulasyon nang pormal niyang inanunsyo ang kanyang intensyong tumakbo bilang presidente sa 2022 polls.
Nangyari ang anunsyo makalipas ang isang linggo matapos inindorso ng opposition coalition 1Sambayan ang kandidatura ni Robredo at matapos mabigong pag-isahin ang pro-democracy forces kina Manila Mayor Isko Moreno, Senador Manny Pacquiao, at Senador Panfilo Lacson, na lahat ay naghain ng kanilang certificate of candidacy sa pagka-presidente.
Ngayong araw, Huwebes, Oktubre 7, ihahain ni Robredo ang kanyang COC dakong 3:00 ng hapon sa Sofitel Tent sa Pasay City.
“Buong-buo ang loob ko ngayon, kailangan natin palayain ang sarili mula sa kasalukuyang sitwasyon. Lalaban ako. Lalaban tayo.Inihahain ko ang aking sarili bilang kandidato sa pagkapangulo sa halalan ng 2022," anunsyo ni Robredo.
Sinabi ni Robredo na wala na umanong pag-asang baguhin ang kasalukuyang administrasyon.
Ani Robredo, mahirap ang daang tatahakin niya dahil ang ibang mga partido at kandidato ay mayroong pera at makinarya, ngunit pinanatili ni Robredo na lalaban siya hanggang dulo para sa mga tao.
“Heto ako ngayon, humahakbang. Ipaglalaban ko kayo hanggang dulo. Itataya ko ang lahat; ibubuhos ko ang lahat ng kayang ibuhos," aniya.“Buong-buo ang tiwala ko: Magtatagumpay tayo. Buong-buo pa rin ang pananalig ko sa Diyos at sambayanang Pilipino," dagdag pa ng Bise Presidente.