Hindi umano naging madali para sa dating Kapamilya weather forecaster at trivia master na si Kuya Kim Atienza ang ginawa niyang pagtalon sa pinakamahigpit na katunggali ng kaniyang home network sa loob ng 17 taon.
Ni hindi nga raw niya nakita ang sariling naroon sa GMA Network, sa nakalipas na mga buwan. Subalit biglang dumating ang magagandang oportunidad sa kaniya, na naging dahilan upang tuluyan siyang mapa-isip; kung kailangan pa ba niyang manatili o subukin naman ang ibang lugar na wala sa kaniyang comfort zone.
Pag-amin niya sa naging media con sa kaniya ng Kapuso Network, isa ang Asia's Multimedia Star na si Alden Richards sa mga naging senyales niya kung bakit siya napa-lipat na ng network. Nanalangin umano siya sa Diyos na bigyan siya ng mga senyales ukol sa gagawin niyang career move.
Habang pinag-uusapan umano nila ang tungkol sa offer ng GMA, isang sikat na personalidad umano mula sa Kapuso Network ang biglang lumapit at bumati sa kaniya. Ito nga ay si Alden Richards.
“Sabi ng dalawang kasama ko, ‘Kim, ‘di ba sign ‘yon? Pinag-uusapan natin GMA and then bumaba si Alden.’ Sabi ko, ‘Oo nga,’” pagbabahagi ni Kuya Kim.
Pagkatapos nito, tumawag naman sa kaniya ang Vice President for Corporate Affairs and Communications Angel Javier Cruz, na isa rin niyang kaibigan. Nakatanggap din siya ng sorpresang tawag mula kay GMA Films President Annette Gozon Valdes.
Palagay niya umano ay pinalilipat na nga siya ng tadhana sa GMA Network. 'Kinilabutan' umano siya dahil ang linaw-linaw daw ng mga senyales na ibinigay sa kaniya ni Lord.
Isa pa sa mga matinding dahilan daw niya kung bakit siya lumipat sa Kapuso ay para sa 'growth' niya bilang isang TV personality. Dumating na raw siya sa puntong pakiramdam niya ay malapit na siyang magretiro. Dahil sanay siya sa aktibong lifestyle, hinahanap-hanap ng kaniyang katawan ang mga ginagawa niya noon sa trabaho.
Nawala na rin kasi ang kaniyang award-winning educational show na 'Matanglawin' matapos hindi maaprubahan ang franchise renewal ng ABS-CBN, sumabay pa sa pandemya.
Hindi naman umano siya umalis sa Kapamilya Network sa 'darkest moment' nito. Masasabi umano ni Kuya Kim na unti-unti nang nakakabangon ang network simula nang hindi ma-renew ang kanilang prangkisa; sa katunayan, sa mga magdadaang buwan ay may 'pasabog' umano ang ABS-CBN na hindi niya puwedeng ibunyag.