Bumiyahe na nitong Miyerkules patungong Nakhon Ratchasima, Thailand ang Team Rebisco Philippines para sa nakatakda nilang pagsabak sa Asian Men’s Club Volleyball Championship na magsisimula sa Biyernes, Oktubre 8.
Gagabayan pa rin ni national coach Dante Alinsunurin, ang naturang continental club competition - ang unang international tournament na lalaruan ng national men's volleyball squad pagkaraang magwagi ng makasaysayang silver medal noong 30th Southeast Asian Games.
Ang paglahok nila sa naturang torneo ay suportado ng Philippine Sports Commission, Rebisco, Taguig Rep. Alan Peter Cayetano at Asics.
Bagamat wala ang kanilang ace spikers na sina Marck Espejo at Bryan Bagunas na naglalaro sa koponan ng Tokyo at Oita Miyoshi sa V League ayon sa pagkakasunod, nananatiling optimistiko si Alinsunurin para sa Rebisco sa gitna pa rin ng kinakaharap na hamon sanhi ng Covid-19 pandemic dahil sa taglay nilang deep talent pool.
Ang mananalo sa isang linggong torneo ay maku-qualify sa FIVB Volleyball Men’s Club World Championship na ipina-finalize pa lamang ang venue.
Marivic Awitan