Isinalaysay ng isang residente mula sa San Jose Del Monte, Bulacan na nagngangalang 'Marie' ang naranasang modus ng 'Budol-Budol' gang sa Sampol Market, na matatagpuan sa bandang Sapang Palay.
Kuwento niya sa Facebook page na 'Balitang SJDM', habang siya ay nasa nabanggit na pamilihan ay may humarang sa kaniyang babae, at binigyan siya ng isang stub at sabong panlaba. Pagkatapos, sumenyas umano ang kasama nitong lalaki na dalhin siya isang lugar, sa ilalim ng isang tindahan ng ukay-ukay.
Pagkatapos, may lalaking nag-alok na umano sa kaniya na bumili siya ng liniment oil na may mabangong scent pantanggal sakit at lamig sa katawan. Walang bayad subalit donasyon lamang na ₱60 ang maaaring ibigay.
"Pagkaraan ng 5-10 minutes, may lalaki naman na lumapit at pumalit sa puwesto ng naunang lalaki sa amin at may mga pinaliwanag, sinabi na bibigyan kami ng agimat at pampasuwerte, pili lang daw ang nabibigyan nito nagkakahalaga raw ito sa opisina nila ng ₱3000, masuwerte raw kami at makukuha lang namin ito sa halagang ₱250 ang isa," salaysay niya.
"Kaya pinapikit kami at pinalahad ang palad (iba pang mga naaya at naalok). Pagkatapos nito, lumapit ang lalaki at pinasara ang palad namin. Mag-wish daw kami bago dumilat. Sinabi ng lalaki na huwag sabihin kung may natanggap o wala at kung ilan ang natanggap at ibigay sa pamilya or kamag-anak na nangangailangan at ibalot sa pulang tela pagkauwi…"
"Pagkatapos ng seremonyas eklabo sa amin, nilapitan na kami ng babae at sinabi na masuwerte raw ako at ako ang pinakamaraming natanggap. Sa bilang ko nakatanggap ako ng 5. Na nagkakahalaga raw ng ₱1250 lahat at isang parang uling panggamot daw if makagat ka ng aso. Ipamahagi ko raw ito sa mga kamag-anak na alam kong nangangailangan."
At nangyari na nga ang isang bagay na hindi niya inaasahan.
"Nangaral pa sila tungkol sa pagiging mapagbigay at huwag daw maging madamot. Hindi ko alam pero nagbayad ako sa 5 pirasong kahoy na nakuha ko. Pagkatapos ko magbigay ng pera na hanggang ngayon ay hindi ko lubos maisip bakit napasunod ako nang ganun-ganun na lang."
Binigyan pa siya umano ng anim na pakete ng sabon at isang kilalang ointment. Nang makuha na ang pera, inutusan daw sila na dumiretso na nang lakad palabas. Nang makauwi na siya sa bahay, saka niya napagtanto ang mga nangyari. Nabudol siya.
"Wala sa loob ko ang mga nangyari, napaniwala nila ko at naging sunud-sunuran na lang ako sa mga sinasabi nila na para bang na-hypnotize ako."
Mabuti na lamang daw at hindi nagalaw ang perang pamalengke niya.
"Ang kahoy na ibinigay sa akin ay nagkahalaga ng ₱1,250 + 60 pesos na donasyon. Lesson learned sa akin ang nangyari noong araw na 'yun. "
Kaya naman may babala siya sa mga kagaya niyang mahilig sa libre.
"Kaya sa mga mahilig sa free diyan lalo na maraming tao naku po ingat-inat po tayong lahat. Maging listo upang hindi maloko. Huwag po maniwala sa mga libreng bigay sa mga daanan."