Nakatakdang mag-anunsyo si Vice President Leni Robredo kaugnay ng kanyang pagtakbo pagka-pangulo sa darating na Huwebes, Oktubre 7, ayon sa kanyang tagapagsalita nitong Martes.
Sa anunsyo ng abogadong si Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, gagawin ang anunsyo sa Quzeon Reception House kung saan nag-oopisina ang bise-presidente alas-11 ng umaga sa Huwebes.
“VP Leni will make an important announcement this Thursday, Oct 7, at 11 am. Please stay tuned,” pahayag ni Gutierrez sa Twitter.
Inaasahang mag-aanunsyo ng kanyang presidential bid si Robredo matapos ang nabuwag na unity talks kay Manila Mayor Isko Moreno at Senator Manny Pacquiao.
Ilang linggo nang nanawagan at hinikayat ng mga tagasuporta ni Robredo ang pagtakbo nito sa pinakamataas na posisyon sa Palasyo.
Ilang billboards na naka-display ang “Let Leni Lead” ang makikita sa kahabaan ng C5 nitong Martes. Namataan din ang billboard ng #All4Leni na makikita sa kahabaan ng northbound ng South Luzon Expressway sa pagitan ng Bicutan at Sucat.
Trending din sa social media site na Twitter ang hashtag na #LeniForPresident nitong mga nakalipas na araw hanggang ngayong araw ng Martes.
Raymund Antonio