Kumakalat ngayon at pinag-uusapan sa social media ang naging panayam ng batikang journalist na si Howie Severino sa sikat na starmaker, talent manager, at direktor na si Johnny 'Mr. M' Manahan, na chairman emeritus ng Star Magic, ang talent management arm ng Kapamilya Network, na ngayon ay pinamumunuan na ni Direk Laurenti Dyogi.
Sa naturang panayam, inamin ni Mr. M na nagpanic ang executives ng isang network dahil sa phenomenal success ng tambalang Alden Richards at Maine Mendoza sa 'Eat Bulaga'; ang AlDub, dahil sa segment na 'Juan For All All for Juan' kung saan umusbong naman ang 'Kalyeserye'. Nangyari ito noong 2015.
Aniya, nataranta raw ang mga executives sa network na iyon dahil sa lakas ng naturang tambalan.
""Nataranta sila ro'n sa success nila Maine, ni Alden. And panic sila. Nag-panic. 'Wala ba tayong ganyan?' Ang sagot ko, 'Mayroon kaming talent dito. Alam naming may talent pero ayaw n'yong gamitin,'" aniya.
"Ang dami niyan. Naka-ano 'yan sa ano ko, sa notebook. At least ten, really talented people. Pero hindi pinapansin ng mga executive. So 'yun ang mistake. They didn't look closer at what we had," dagdag pa.
Matatandaang ang naging isyu umano ni Mr. M kung bakit siya umalis sa ABS-CBN ay dahil sa 'professional differences' nila ng mga kasalukuyang namumuno sa Kapamilya Network. Nagsulputan na umano ang mga 'shadow' talent management sa loob ng network, at pakiramdam niya ay naba-bypass na siya.
Tanong ngayon ng mga netizens na certified Kapamilya, hindi pa rin daw ba nakaka-move on si Mr. M sa bagay na ito? Bakit daw kailangang i-disclose ito sa publiko?
Si Mr. M ngayon ay consultant na sa GMA Artist Center, kasama si Mariole Alberto.