Mahigpit nang ipinagbabawal ang maiingay na mga sasakyan sa Maynila na gumagamit ng modified mufflers at exhaust pipes at nakakabulahaw sa katahimikan ng lungsod, lalo na sa mga dumadalo sa online class at naka-work from home.
Nabatid na inatasan ni Manila Mayor Isko Moreno sina Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) chief Dennis Viaje at Manila Police District (MPD) Director PBGen Leo Francisco na tiyaking maipatutupad ang bagong pasang ordinansa na hindi lamang nagbabawal sa paggamit ng sasakyang maymodified muffler at masyadong maingay, kundi parurusahan pa ang mga may-ari nito.
Inilabas ni Moreno ang kautusan matapos na pirmahan bilang batas ang Ordinance 8772 na iprinisinta ni Manila City Council Presiding Officer Vice Mayor Honey Lacuna at inakda nina Majority Floor Leader Atty. Joel Chua at Councilors Terrence Alibarbar, Philip Lacuna at Joel Villanueva, na nagtatakda ng “excessive, loud and unreasonable” noise levels na higit pa sanational standard na 99 decibels na kinuha sa engine speed na 2,000 hanggang 2,500rpm.
Inatasan din ni Moreno si Manila Barangay Bureau Director Romeo Bagay na ipakalat ang nasabing ordinansa na tinawag na “Motor Vehicle Modified Muffler Noise Regulation Ordinance of the City of Manila”, sa lahat ng pinuno ng may 896 barangaysa lungsod para sa maayos na pagpapatupad.
Sinabi rin ng alkalde na ang mga binebentang sasakyan sa publiko ay mayroon ng factory-installed muffler o exhaust pipe na dinisenyo upang mabawasan at maalis ang ingay na polusyon nito, may mga may-ari na tinatanggal ang orihinal na tambutsong nakalagay dito at pinapalitan ng tambutsong higit na malakas ang ibinubugang ingay na nagdudulot ng perwisyo at pagkainis sa publiko.
“This rampant but obnoxious practices have resulted in serious disagreement, including bodily injuries and death, between owners of motor vehicles with modified muffler or pipe and the complaining public,” sabi ni Moreno.
Idinagdag pa ng alkalde na ang ingay na likha ng mga ito ay nakakaistorbo sa mga nag-o-online classes at mga nagtatrabaho sa loob ng bahay at maging sa mga night workers na natutulog sa umaga.
Ipinaliwanag ni Chua na sakop ng ordinansa ang lahat ng motor vehicles, pampubliko man o pribado, na maymodified muffler o exhaust pipe, kabilang na ang dating nakakabit sa Lungsod ng Maynila. Exempted dito ang mga sasakyang ginagamit sa sports competitions, motor shows at may mga displacement na 400cc o higit pa.
Mary Ann Santiago