Hinikayat ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga lokal na pamahalaan na pataasin pa ang bilang ng mga vaccination sites at magbigay ng insentiba sa mga Pilipinong nag-aalangan pang tumanggap ng bakuna laban sa COVID-19.
Ito ang apela ni Marcos sa gitna ng mga ulat ng mga ayaw pa rin magpabakuna ng ilang senior citizens sa mga lungsod at kanayunan.
Dagdag ni Marcos, dapat umanong mapalakas ang kampanya sa impormasyon sa mga social media platforms habang pinunto ang kahalagaan ng bakuna upang makaalis ng bahay at maproteksyunan ang pamilya laban sa virus.
“Dapat ay paigtingin ang information campaign ng pamahalaan at bigyang diin ang benepisyo ng kumpleto ang bakuna gaya ng mas malayang pagkilos sa kanilang mga komunidad at siyempre ang proteksiyon ng pamily mula sa Covid19,” ani Marcos.
Hinikayat ni Marcos na mas magtatag pa ng mga vaccination sites malapit sa mga tao lalo na sa mga malalayong lugar kung saan problema ang masasakyan.
Isa sa mga rason kung bakit ayaw magpabakuna ang mga tao sa kanayunan ay dahil maaaring hindi makapag-hanapbuhay sa araw na ‘yon, dagdag ni Marcos.
Hinikayat ng dating senador na magbigay ng insentiba sa mga hindi pa nababakunahang indibidwal.
Sabi pa ni Marcos, ang paglutas sa pag-aalinlangang magpabakuna ng ilan ay malaking bahagi para maging matagumpay ang programa ng pamahalaan at maabot ang herd immunity sa madaling na panahon.
Mario Casayuran