Pitong drug suspects ang inaresto ng mga awtoridad matapos na mahulihan ng kabuuang P5.6milyong halaga ng hinihinalang ilegal na droga sa magkahiwalay na buy-bust operation na ikinasa nila sa San Miguel at Tondo, Maynila nabatid kahapon.

Iprinisinta ni Manila Police District (MPD) Director PBGen Leo Francisco kay Manila Mayor Isko Moreno nitong Lunes ng hapon ang mga suspek na kinilalang sina Nasfira Abdulla ng San Miguel, Maynila; Jonathan Balingit, 24; Esmelita Tumbagahan, 61; Renalyn Silverio, 40; Aldwin Castillo, 43; Anna Punzal, 40; at Mark Echalar, 42, pawang residente ng Tondo, Maynila.

Batay sa ulat ng MPD, unang naaresto ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng MPD-Barbosa Police Station (PS14) si Abdulla dakong alas-8:30 ng gabi nitong Lunes, sa isang tahanan na matatagpuan sa 153 Marayat St., sa San Miguel matapos na makatanggap ng tip hinggil sa kanyang ilegal na aktibidad.

Nakumpiska mula kay Abdulla ang pitong knot tied transparent plastic bags at siyam na pirasong heat sealed transparent sachets, na pawang naglalaman ng mga puting pulbos na hinihinalang ilegal na droga, na tinatayang nasa 735 gramo at nagkakahalaga ng P5 milyon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Narekober rin mula sa suspek ang isang itim na body bag, digital weighing scale at P500 na buy-bust money.

Samantala, dakong alas-4:20 naman ng madaling nitong Martes nang maaresto ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng MPD-Jose Abad Santos Police Station (PS7) ang anim pang suspek sa isinagawang buy-bust operation sa Raxabago St., kanto ng Juan Luna St., sa Tondo.

Ang mga suspek ay nakumpiskahan ng humigit-kumulang sa 100 gramo ng shabu at nagkakahalaga ng P680,000.

Ang mga suspek ay pawang nakapiit na at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya.

Mary Ann Santiago