Nagpasaring nga ba si Presidential Spokesperson Harry Roque sa COVAX facility na naglagak ng donasyong higit 16M coronavirus disease (COVID-19) doses sa Pilipinas?

Sa isang talumpati sa “Resbakuna” sa SM City Pampanga, muling hinapag ni Roque ang platapormang pantay na akses sa bakuna laban sa COVID-19 nang magtungo ito sa New York sa Amerika nitong nakaraang buwan bilang nominado sa International Law Commission (ILC).

“Tayo lang po ang tumakbo sa plataporma na kinakailangan pumasok ang mga bansa sa daigdig, lahat ng bansa sa daigdig, sa isang tratado na kumikilala sa isang legal na obligasyon na ang lahat ng mga bansa magkaroon ng equal access sa mga bakuna pag meron tayong mga pandemiya,” sabi ni Roque.

Kasunod na binanggit ni Roque ang COVAX facility na pinangungunahan ng World Health Organization (WHO) na layon ang pantay na distribusyon ng COVID-19 vaccines sa mga bansa. Dito tila may pasaring si Roque sa kanyang pahayag.

National

Hontiveros, walang nakitang blangko sa 2025 budget

"Ang pagkakaiba ng ating sinusulong, ang COVAX voluntary, feel-good ng mga mayayamang bansa dahil mino-monopolize nila ang suplay ng vaccine,” sabi ni Roque.

“Dahil nga kinakailangang i-address ang guilty conscience, ‘Mamigay tayo ng konti sa mga mahihirap na bansa,’” ani Roque.

Para sa tagapagsalita ng Palasyo, hindi ito ang solusyon sa pandemya.

“Sinasabi ng WHO na no one is safe untill all of us is safe. Kinakailangan po kilalanin ng lahat ng mga bansa ang obligasyon na para matapos ang mga pandemiya, hindi lang po ang COVID-19, kinakailangan lahat magkaroon ng bakuna dahil ito ang solusyon sa pandemiya,” sabi ni Roque.

Nakatanggap na ng nasa 71 milyong anti-COVID vaccines ang Pilipinas. Sa bilang, 46 milyon ang binili ng gobyerno habang 16 milyon ang mula sa donasyon ng COVAX facility, limang milyon ang binili ng mga lokal na pamahalaan at 3.6 milyon naman ang mula sa donasyon ng ibang bansa.

Matatandaang Marso ngayong taon nang magsimula ang bansa sa pagbabakuna laban sa nakamamatay na virus.

Ellson Quismorio