Nasamsam ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nasa P32 milyong halaga ng pekeng sigarilyo kasunod ng kinasang raid sa isang warehouse sa Bulacan nitong Linggo ng gabi, Oktubre 3.
Ayon kay CIDG Maj. Gen. Albert Ignatius Ferro, naaresto sa operasyon ang apat na indibidwal kabilang ang 42 taong-gulang na negosyanteng Chinese na si Zeng Qiangjian.
Timbog din ang mga kasama nitong sina Lin Shanxiong, 48; John Bejay Agujar, 25; at Rodolfo Brosas, 25.
Naglunsad ng operasyon ang CIDG matapos makumpirma ang isang ulat kaugnay sa lokasyon ng mga hinihinalang pekeng sigarilyo sa Balagtas, Bulacan. Agad na nagkasa ng raid sa lugar dahilan para mahuli ang mga suspek.
Nakumpiska ang nasa 1,000 karton ng iba’t ibang brands ng sigarilyo na aabot sa kabuuang halagang P32,305,000.
Maliban sa mga kontrabando, narekober din ng mga awtoridad ang isang Isuzu elf truck na may plakang CBJ 6630.
Mahaharap sa mga kasong paglabag sa Art. 189 ng Revised Penal Code, Violation of R.A. 7394 (The Consumer Act of the Philippines), R.A. 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines) and R.A. 1937 (An Act to Revise at Codify the Tariff and Custom Law of the Philippines).
Aaron Recuenco