Bagong achievement na naman ang naidagdag sa listahan ng Pinoy pop phenomenon SB19 matapos maabot ng kantang ‘Mapa’ ang 50 milyong streams sa Youtube.
Ang kantang alay ng grupo bilang pagkilala sa mga sakripisyo ng mga magulang ay minahal nga ng sambayanan matapos maabot ang 50 milyong views ng lyric video lang nito sa Youtube.
Nasa higit 19 milyong streams naman ang kanta sa streaming site na Spotify mula Oktubre 4, Lunes.
Hindi pa kasama rito ang band version ng 'Mapa' kasama ang folk pop rock band na Ben&Ben na nasa 20 milyon ang pinagsamang streams sa dalawang streaming sites.
Samantala, nagpasalamat naman ang banda sa mainit na suporta ng kanilang A’tin. Ang kanilang fans, na patuloy na tinatangkilik ang kanilang musika.
“Hi A’tin, gusto lang namin kayong pasalamatan nang sobra dahil nabalitaan po namin na umabot na ng 50 million views ang Lyric video namin ng Mapa," ani SB19 Pablo, tumatayong lider ng banda na si Pablo.
'Nagpapasalamat po kami sa inyong lahat at sana po ay patuloy niyo pa pong suportahan ang grupo at musika namin,” dagdag nito.
Binubuo ang SB19 nina Stell, Josh, Justin, Ken at Pablo.