Tinukoy ng Department of Health (DOH) nitong Lunes ang 11 na medical conditions para maging kwalipikado ang mga batang nasa 12-17 age group para sa COVID-19 vaccination.

Ayon sa DOH, kabilang sa mga batang unang tuturukan ng bakuna kontra sa COVID-19 yaong mayroong Medical Complexity, Genetic conditions, Neurologic conditions, Metabolic/ endocrine, Cardiovascular disease, Obesity, HIV infection, Tuberculosis, Chronic respiratory disease, Renal disorders, at Hepatobiliary.

Sa isang pulong balitaan, pinaalalahanan naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang mga magulang ng mga batang magpapabakuna na dapat munang kumuha ng clearance mula sa kanilang mga doktor, at magbigay ng kanilang consent at assent.

“Ibig sabihin ang kanilang mga magulang ay kailangan magkaroon ng consent dito, pipirma sa document, at pangalawa ‘yung bata mismo na babakunahan ay may assent dito. Pangatlo, syempre ‘yung monitoring natin,” paliwanag ni Vergeire.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Pinayuhan rin ni Vergeire ang mga magulang na irehistro ang kanilang mga anak sa local government units (LGUs) na nakakasakop sa kanila.

Una nang sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na target ng pamahalaan na simulanang pagbabakuna sa mga kabataan sa National Capital Region (NCR) na may comorbidities sa Oktubre 15.

Ipaprayoridad aniya ng national government ang 10% ng kabuuang menor de edad sa bansa sa susunod na dalawa hanggang tatlong linggo.

Nag-anunsyo na rin aniya ang National Children's Hospital at Philippine Heart Center sa Quezon City, gayundin ang Philippine General Hospital (PGH) na tutulong sa pagbabakuna sa mga bata.

Hindi pa naman tinukoy ni Vergeire ang iba pang pagamutan na magbabakuna ng mga bata at sinabing inaayos pa ito.

“Antayin lang natin kasi inaayos po. Kailangan kasi mayroon agreement with the hospitals before we can announce,” aniya pa.

Mary Ann Santiago