Tila nawala ang lahat ng pagod at pagtitiis ng OFW na si Rodelyn Fortes matapos malamang ang lahat ng kaniyang mga pinagpagurang suweldo sa pagtatrabaho sa Kuwait at Malaysia na ipinadadala sa Pilipinas, ay matiyagang inipon ng kaniyang mister at mga anak.
Ayon sa ulat ng GMA Regional TV na "Balitang Amianan", inipon ng mister na si Rogelio Fortes at ng kanilang mga anak mula Agoo, La Union ang bawat perang ipinadadala sa kanila ng kaniyang asawa mula abroad. Umabot ito ng tumataginting na ₱300,000.
Salaysay ni Rogelio, nagsimula lamang sila sa batya-barya, hanggang sa paunti-unti ay itinatabi na nila ang malaking bahagi ng padalang pera ni Rodelyn. Umabot sa balde-baldeng mga papel na pera at mga barya ang kanilang naipon. Imbes daw na bawasan, sinikap umano ni Rogelio na dagdagan pa ang mga ipon upang makatulong sa kaniyang misis, na alam niyang malaki ang sakripisyo sa ibang bansa.
Wala umanong kamalay-malay sa lahat si Rodelyn, kaya nang umuwi siya sa Pilipinas, ganoon na lamang ang gulat niya nang makitang sementado na ang kanilang bahay, at nakabili na rin ng sidecar at motorsiklo ang mister na maaari nilang ipamasada.
"Hindi ko alam at nung dumating na po ako dito, buo na ang buhay sementado na. Saka di ko lubos maisip na ganoon yung maiipon nila kasi magkano lang naman yung sahod ko doon sa Kuwait at sa Malaysia," ani Rodelyn.
Natutuwa rin ang ina dahil kasa-kasama ni Rogelio sa pag-iipon ang kanilang anak, na natututo na rin sa kung paano pahalagahan ang pinaghirapang pera.