Idagdag na ang pangalan ng Philippine Basketball Association (PBA) star na si James Yap sa listahan ng mga atletang tatakbo sa 2022 national and local elections.
Nakatakdang maghain ng certificate of candidacy para sa councilor si Yap sa Martes, Oktubre 5 sa ilalim ng ticket ni incumbent San Juan City Mayor Francis Zamora.
“Tuluy na tuloy na ako," ayon kay Yap nang tawagan ng Manila Bulletin.
“Gusto natin na makatulong din, alam naman natin na may maitutulong tayo, at kaya nating tumulong,“ aniya.
"Siempre sa sports natin nakikita na pwede makatulong, sa kabataan, pero madaming bagay ang pwede tayo na makatulong lalo ngayon sa panahon ng COVID-19 pandemic,” dagdag pa niya.
Sa kabila ng desisyon niyang tumakbo para sa public office, aniya wala raw siyang plano na magretiro sa basketball kahit na magtatapos ang kontrata niya sa Disyembre 31 sa kanyang mother team na Rain or Shine.
Sinabi rin ni Yap na isang magandang oportunidad kung siya ay magpapatuloy sa paglalaro at habang naglilingkod sa mga tao sa San Juan.
“I think wala sa PBA ang nasa public service, yung bang active player. Kung mapagbigyan tayo at manalo, makakapagbigay inspirasyon pa din ako as a player and at the same time makakapag-serbisyo tayo as elected official,” ani Yap.
Suportado naman siya ng kanyang asawa na si Michela Cazzola.
Waylon Galvez