Sinabihan ng kampo ni Vice President Leni Robredo nitong Linggo, Oktubre 3, si House Deputy Speaker at vice presidential candidate Lito Atienza na silipin sa Facebook at mga local news ang mga nagawa ng bise presidente simula noong 2016.

“Klarong-klaro lahat ng proyekto, lahat ng mga natulungan, lahat ng mga kilos na ginawa ni VP Leni at ng kanyang opisina mula 2016.

Tapos lalo na itong nakaraang 18 months mula noong nagkaroon tayo ng problema sa COVID-19," paglilinaw ni  Office of the Vice President spokesman lawyer Barry Gutierrez sa isang radio interview.

Ayon kay Gutierrez, ang naturang pahayag ay patama kay Atienza na nag-file kamakailan ng kanyang Certificate of Candidacy bilang running mate ni Senador Manny Pacquiao sa 2022 national elections.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Kinuwestiyon umano ni Atienza ang hangarin ni Robredo na tumakbong presidente at ipakita muna umano nito ang kanyang mga nagawa.

Ang komentong ito ay nag-ugat ang isang debate sa Twitter kung saan marami sa mga tagasuporta ni Robredo ang nag-tweet at binabanggit ang kakulangan ng nagawa ni Pacquiao kumpara sa maraming proyekto ni Robredo sa kabila ng kaunting budget na ibinibigay sa kanyang opisina.

“Nakalulungkot na sa kabila ng lahat nang ginawa ni VP Leni, sa kabila ng lahat ng trabaho na kanyang nagawa para makatulong sa ating mga kababayan, may mga magbabato, magbibitaw ng ganitong klaseng salita na alam naman natin hindi nakaangkla sa katotohanan," ani Gutierrez.

Naging usap-usapan sa social media si Robredo sa nakalipas na 18 buwan mula nang tanggapin ng kanyang tanggapan ang hamon na punan umano ang pagkukulang ng gobyerno sa COVID-19 response. Sa pamamagitan ng kanyang mga private partners, nakapagbigay ang kanyang opisina ng libreng shuttle services, dormitories, hot meals, at personal protective equipment sa mga medical frontliners sa kasagsagan ng pandemya, ayon kay Gutierrez.

Ilan sa mga kilalang programa ni Robredo ang free antigen testing via Swab Cab, libreng medical teleconsultation platform na Bayanihan E-Konsulta, at ang Vaccine Express, sabi nito. 

“Hindi ito pagmamalaki, hindi ito pagbubuhat ng bangko pero pag-se-set lang ng record kasi ang daming paninira," ani Gutierrez.

Tinawag niyang "trolls" ang mga ito. Aniya, si Robredo lamang ang nag-iisang bise presidente na maraming nagawang bagay para sa bansa sa kabila ng wala itong posisyon sa Gabinete.

“Gusto mong tumayo bilang kandidato para sa mataas na puwesto, ‘di ba unang responsibilidad mo tiyakin mo muna iyong sinasabi mo tama. Tiyakin mo muna iyong sinasabi mo na nakabatay sa katotohanan," dagdag pa nito.

Raymund Antonio