Ayon sa isang convenor ng opposition coalition 1Sambayan, isang “sentimental journey” umano kay Vice President Leni Robredo ang naging biyahe kamakailan sa Camarines Sur sa kanyang pagpapasya sa pagtakbo bilang Pangulo sa Halalan 2022.
Sigurado si Bro. Armin Luistro, isa sa 1Sambayan convenors na maghahain si Robredo ng kanyang kandidatura bilang Pangulo bago Oktubre 8.
Nitong Setyembre 30, nagtungo ng Camarines Sur si Robredo, parehong araw nang inanunsy ng 1Sambayan si Robredo bilang standard-bearer nito para sa Halalan 2022.
Namataan din si Robredo na bumisita sa imahen ng Sto. Entierro sa Calabanga, Camarines Sur.
Sa biyahe nito, sigurado si Luistro na desidido na si Robredo sa kanyang pagtakbo bilang Pangulo. Kung hindi man, sana’y nagpahayag na ito sa kanyang probinsya, teorya ni Luistro.
“Palagay ko kung gagawa ka ng isang mahalagang desisyon sa buhay mo babalik at babalik ka sa iyong pinag-ugatan,” ani Luistro sa isang panayam sa Teleradyo.
Hinihintay pa ng 1Sambayan ang pagtanggap ni Robredo sa nominasyon nito.
Inendorso pa rin ng kowalisyon si Robredo sa kabila ng hangad nitong pakikiisa sa mga ilan pang kasapi sa oposisyon na tatakbo sa Halalan 2022.
Samantala, si Trillanes ang top choice ng 1Sambayan sa ginanap na internal survey nito.
Raymund Antonio