Sa ikalawang araw ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa Halalan 2022, ginugol ni Vice President Leni Robredo ang buong araw hindi para mag-anunsyo ng kanyang kandidatura kundi para pamahalaan ang Vaccine Express initiative ng OVP sa Barangay Santa Juliana sa Capas, Tarlac para sa mga komunidad ng Aeta.
Nasa kategoryang A5 ang Aeta communities o ang indigent sector sa vaccination program.
Sa pahayag ng Office of the Vice President (OVP), nakipag-ugnayan ang opisina sa municipal government ng Capas, Tarlac para maturukan ng bakuna laban sa coronavirus disease ang nasa 500 Aetas.
Sa Vaccine Express program, nakatanggap din ng libreng medical check-up, post-vaccination care kit at groceries ang mga Aetas.
Naglalaman ang kit ng 10 pirasong paracetamol, 10 piraasong Vitamin C at isang bottled water. Namahagi rin ng relief goods ang Shell Foundation na katuwang ng Angat Buhay.
Ang Angat Buhay ang flagship poverty alleviation program ng OVP.
Nasa site si Robredo nitong Sabado para siya mismo ang magbantay sa proseso at personal na mapasalamatan ang lokal na pamahalaan, barangay health workers, partners at mga volunteers.
Dinala ang inisyatiba sa Capas bilang tugon sa hiling ng Aeta Ako, Pilipino Ako Foundation.
Naging posible naman ang programa sa koordinasyon ng OVP sa alkalde ng Capas na si Reynaldo Catacutan at ng Capas Municipal Health Office.
Nagpasalamat ang OVP sa kanilang mga partners kabilang na ang barangay health workers, Aeta Ako, Pilipinas Shell Foundation, the Health and Development for All Foundation, medical professionals at iba pa.
Nitong Setyembre 30, pormal na inendorso ng opposition 1Sambayan si Robredo bilang Pangulo para sa Halalan 2022; pagbabanggit ng kowalisyon sa rekord, integridad at pagmamahal sa bayan ni Robredo na kailangan ng bansa.
Inisyal na sinabi ni Robredo na hindi pa ito sumusuko sa planong mapag-isa ang oposisyon kahit na nagpahayag na ng kumpiyansa ang kowalisyon na malaking factor ang kanilang endorsement para sa desisyon nitong tumakbo bilang Pangulo.
Raymund Antonio
‘