Pormal na ring lumahok ang sikat na broadcaster na si Raffy ‘Idol’ Tulfo sa May 2022 national and local elections, matapos na maghain ng kanyang certificate of candidacy (COC) sa pagka-senador nitong Sabado, Oktubre 2, ikalawang araw ng paghahain ng kandidatura.

Dakong ala-1:30 ng hapon nang magtungo ang sikat na vlogger, TV at radio anchor sa Commission on Elections (Comelec) sa Sofitel Philippine Plaza sa Pasay City upang maghain ng kanyang kandidatura.

Nabatid na tatakbo si Tulfo bilang isang independent candidate.

Nauna rito, nitong Biyernes ay nagpaalam na si Tulfo sa primetime newscast ng TV5 na “Frontline Pilipinas,” kung saan nagsisilbi siyang anchor ng halos isang taon na.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Aniya, “May halong lungkot at saya ang aking nararamdaman ngayon sa aking gagawing pagpapaalam sa inyo dito sa ‘Frontline Pilipinas.’”

Isang malaking karangalan aniya sa kanya na maging bahagi ng naturang news organization.

“Isang [itong] karangalan na mula ngayon at magpakailanman ay nakatatak na sa aking puso, at aking maipagmamalaki saan man po ako makakarating,” aniya pa.

Bukod sa kanyang mga programa sa radyo at telebisyon, kilala rin si Tulfo sa kanyang YouTube program na “Raffy Tulfo in Action” at sa ngayon ay mayroong 21.7 milyong subscribers.

Mary Ann Santiago