Mas kakaunting aspirants sa senado at partylist system ang naghain ng certificate of candidacies (COCs) para sa Halalan 2022 nitong Sabado, Oktubre 2.

Sa ikalawang araw ng paghahain ng COC, limang senatorial hopefuls ang naghain ng kanilang COC, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Kabilang sa kanila sina Joel Apolinario, Raffy Tulfo, Loreto Banosan, JV Ejercito, at Rodelo Pidoy.

Nasa 19 na ang naghain ng COC para sa inaasam na puwesto sa Senado.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kumpara noong Biyernes, Oktubre 1, siyam na partylists aspirants lang ang naghain ng kanilang certificate of nomination and acceptance (CONA) nitong Sabado.

Ang siyam na ito ay ang APEC, PhilRECA, Recoboda, Ako Padayon Pilipino, Abang Lingkod, Philippine National Police Retirees Association Inc. (PNPRAi), PDP Cares Foundation Inc., Ang Kabuhayan, at Bagong Henerasyon (BH).

Ani Comelec Director Elaiza Sabile-David, hindi tinanggap ng Comelec ang CONA ng Lingkod Bayanihan Partylist dahil kulang ang mga dokumento nito. Maaari pa namang maghain ng COC ang nasabing partylist sa loob ng itinakdang panahon ng filing.

Nasa 27 na ang napapabilang sa listahan ng partylist aspirants.

Tatanggap ng COCs at CONA ang Comelec para sa Halalan 2022 hanggang Oktubre 8.

John Aldrin Casinas