Tuluyan na ngang nagpaalam ang resident weather forecaster at trivia master ng TV Patrol sa ABS-CBN na si Kuya Kim Atienza, sa live telecast at pagkatapos ng kaniyang ulat-panahon, nitong Oktubre 1, 2021. 

Habang iniuulat ni Kuya Kim ang ulat-panahon at trivia hinggil sa Philippine Eagle (na maaaring simbolo ng kaniyang pagpalaot o paglipad sa panibagong yugto ng career), makikitang tila teary-eyed at nababasag na ang tinig ni Kuya Kim, dahil ito na ang huling pagkakataong haharap siya sa camera at telebisyon bilang isang Kapamilya. 

Sinimulan ni Kabayang Noli De Castro ang tribute para kay Kuya Kim. Hinayaan nila si Kuya Kim na magpahayag ng kaniyang huling pamamaalam sa mga naging kaibigan, nakatrabaho at maging sa Kapamilya viewers. 

"Labing-limang taon… gabi-gabi siyang naghatid sa atin ng ulat-panahon, at nagbigay po ng mga kaunting kaalaman, pero heto na po ang huling gabi, na makakasama natin dito sa TV Patrol si Kuya Kim," saad ni Kabayan. Hiningi niya ang mensahe nito para sa lahat ng mga Kapamilya. 

Tsika at Intriga

'DJ,' nabanggit ni Kathryn Bernardo sa Family Feud

Sa emosyunal na tinig at awra, pinasalamatan ni Kuya Kim ang  mga ABS-CBN bosses, partikular sa head ng News Department na si Ging Reyes, ang Chief Operating Officer at mentor niya sa showbiz na si Cory Vidanes, at ang kaibigan at ABS-CBN President at Chief Executive Officer na si Carlo Katigbak, na patuloy na nagbibigay umano ng lakas at inspirasyon. 

Sumunod niyang pinasalamatan ang mga co-anchors sa TV Patrol na sina Kabayang Noli De Castro, Bernadette Sembrano-Aguinaldo, Henry Omaga Diaz, ang mga dating ABS-CBN news anchors na sina Korina Sanchez at Ted Failon, Karen Davila, Julius Babao, at ang kaniyang ka-tandem for 12 years, kasama sa dressing room, na si Gretchen Fullido. Pinasalamatan din niya ang buong staff at crew ng TV Patrl maging ang co-host niya sa 'Sakto' na si Tyang Amy Perez. 

Pinasalamatan din niya ang mga nakasama sa kaniyang previous shows gaya ng 'Magandang Umaga Bayan,' 'Magandang Umaga Pilipinas,' Umagang Kay Ganda,' at 'Matanglawin' na ipinagmamalaki niya dahil humakot ng halos 200 awards. 

Pinasalamatan din niya ang yumaong si Ka Ernie Baron na siyang pinalitan niya sa tungkulin nito sa TV Patrol nang mamayapa ito. 

"Higit sa lahat, maraming salamat sa inyo mga Kapamilya sa inyong pagsubaybay at pagsuporta. Si Kuya Kim ay hindi magiging si Kuya Kim kung hindi po dahil sa inyo. Sa paglisan ko man sa estasyong ito na itinuring kong 2nd home, kailanman ay hindi ako makakalimot. Mananatili sa puso ko at babaunin ang lahat ng mga naranasan ko at natutunan ko sa ABS-CBN sa loob ng 17 taon," ani Kuya Kim. 

"Natutunan ko na kahit gaano man karami ang mga pagsubok, o gaano man katindi ang mga dumarating na bagyo sa ating buhay, mahalagang mapanatiling buhay ang pag-asa, pananampalataya sa Diyos, at pagmamahal ng kapamilya. Sa ngayon, nais kong sabihin, for the last time… sa huling pagkakataon… ang buhay, ay weather-weather lang. Hanggang sa muli… Kapamilya. Salamat po."

Nagbigay naman ng kani-kaniyang mensahe sina Kabayan, Bernadette, Henry, at Gretchen para kay Kuya Kim. 

Sa Oktubre 4, Lunes, ay sinasabing makakasama na si Kuya Kim sa katapat na newscast program ng TV Patrol sa GMA Network na '24 Oras'. 

Samantala, ayon kay Ogie Diaz sa kaniyang entertainment vlog, ang papalit sa puwesto ni Kuya Kim ay ang sportscaster ng ABS-CBN News Channel na si Migs Bustos, na panawagan din ng mga certified Kapamilya fans.

Panoorin ang kaniyang pamamaalam via ABS-CBN News sa YouTube channel: