Nagbabala  sa mga kandidato ang hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar laban sa pakikipagsabwatan nito sa mga sindikato ng ilegal na droga para masiguro ang panalo sa Halalan 2022, kung saan sinabi ni Eleazar na mas pinaigting na ng kapulisan ang pagbabantay.

Naglabas ng pahayag si Eleazar matapos ang makumpiska ng PNP at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasa P1 bilyong halaga ng shabu sa Cavite at Cebu.

“Illegal drugs operation is a lucrative business and we are not discounting the possibility that either some erring candidates would use this for fund-raising or the drug syndicates would offer campaign donations in exchange for protection once they are elected. Hindi natin papayagan ito kaya inatasan ko na ang ating PDEG at Intelligence Group na tingnang mabuti ang ganitong posibilidad,’ sabi ni Eleazar.

Ang pakikipag-alyansa sa mga sindikato ay nangangahulugang proteksyon sa mga operasyon ng ilegal na droga sa oras na maluklok ang isang sinuportahang kandiadato sa eleksyon, ani Eleazar.

“Binabalaan ko ang mga kandidato na huwag mamuhunan sa iligal na droga sa kanilang kandidatura dahil ako mismo ang mag-e-expose sa inyo at mangunguna sa pagsampa ng disqualification at mga kaukulang kaso kapag nakakalap kami ng sapat na ebidesya laban sa inyo,” ani Eleazar.

“Hindi ko hahayaang mauwi sa wala ang lahat ng hirap at sakripisyo ng PNP sa aming agresibong kampanya laban sa iligal na droga,’ dagdag nito.

Nasa higit P64 bilyong halaga ng shabu ang nasamsam habang nasa 307,521 ilegal drug personalities kabilang ang 13,244 High-Value Targets, ang naaresto magmula nang ilunsad ang kampanya laban sa ilegal na droga mula taong 2016.

Nitong nakaraang buwan, isang multi-law enforcement agency operations ang pinangunahan ng PDEA at PNP na nagresulta sa pagkakasamsam sa higit P5.5 bilyong halagang shabu sa 11 big-time drug traffickers kabilang ang pangunahing contact ng isang international drug syndicate sa magkasunod na operasyon sa Zambales, Bataan at Cavite.

Aaron Recuenco