Sa isang hindi inaasahang kaganapan, naghain si Senator Christopher ‘Bong’ Go ng certificate of candidacy sa pagka-bise presidente para sa May 2022 national elections, sa ilalim ng PDP-Laban.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang kasama ni Go sa paghahain ng kanyang kandidatura sa Commission on Elections (Comelec) sa Harbor Garden Tent ng Sofitel sa Pasay City, dakong alas-3:25 ng hapon nitong Sabado, sa ikalawang araw ng COC filing.

Matatandaang si Pangulong Duterte ang siyang orihinal na nominado ng PDP-Laban sa pagka-bise presidente, matapos na pormal nitong tanggapin noong Setyembre 8 ang nominasyon ng PDP-Laban faction na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi.

Sa isang presser, sinabi naman ni Go na nagdesisyon siyang tumakbo sa naturang posisyon matapos na i-withdraw ng pangulo ang kanyang pagtanggap sa nominasyon ng Partido, na hindi naisapubliko hanggang sa paghahain ng kandidatura ng senador.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Si Go, 47, ay kilalang long-time aide ni Pangulong Duterte, at kasalukuyang chairman ng Senate committees on health and sports.

Una siyang ini-nominate ng PDP-Laban upang maging presidential candidate nito, ka-tandem si Pangulong Duterte bilang bise presidente, ngunit sinabing hindi siya interesadong tumakbo sa presidential race.

Tiniyak naman ni Go na ang kanyang puso at isipan ay nakapokus sa pagsisilbi sa mga mamamayan.

Aniya, ipinauubaya na niya ang kanyang kapalaran, sa Panginoon, sa mga Duterte at sa publiko.

Mary Ann Santiago