“I will be a working vice president.”
Ito ang pangako ni Senator Christopher “Bong” Go nitong Sabado, Oktubre 2 kasunod ng kanyang paghahain ng certificate of candidacy (COC) bilang bise-presidente sa Halalan 2022.
Dalawang taon sa kanyang termino bilang bagong senador, ‘hindi inasahan ang kandidatura ni Go sa ikalawang pinakamataas na posisyon sa halip na si Pangulong Duterte.
Ito’y kasunod ng pag-atras ni Pangulong Duterte sa nominasyon sa kanya bilang bise-pangulo ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa tiket ni Energy Secretary Alfonso Cusi.
Inisyal na inendorso si Go bilang standard bearer ngunit wala raw itong interes sa pagtakbo bilang Pangulo.
“Given that President Rodrigo Duterte decided to withdraw his acceptance of nomination, I am here to take on the challenge as the PDP[-Laban]’s vice presidential candidate,” sabi ni Go na sinamahan ni Duterte sa kanyang talumpati sa Sofitel Harbor Garden Tent sa Pasay City.
“Napagdesisyonan kong tumakbo bilang bise president sa darating na halalan upang maipagpatuloy ang mga magagandang programa at tunay na pagbabagong naumpisahan ni Pangulong Duterte. At sisikapn nating dagdagan pa ang mga ito,” dagdag nito.
Kung sakaling manalo, sisikapin umano ni Go na maipagpatuloy ang kontrobersyal na kampanya ni Duterte laban sa ilegal na droga, hakbang ng administrasyon laban sa korapsyon at krimen.
“Hindi dapat masayang ang mga nasimulang ito,” dagdag nito.
Nangako din itong itataguyod ang Build, Build, Build program ni Duterte.
“Kung ako po’y papalarin at bibigyan ng pagkakataon, I will be a working vice president,” ani Go.
“Hindi ako magiging spare tire o reserba lamang,” idinagsag niya.
Wala pang pahayag ang PDP-Laban ukol sa mga pagbabago ng kanilang candidate lineup.
Matatandaang iwas sa mga tanong si Go kaugnay ng kanyang political plans at paulit-ulit na sinabing magpopokus muna ito sa kanyang trabaho bilang senador, partikular ang pagtulong sa gobyerno sa mga hakbang laban sa COVID-19.
"Bakuna muna bago politika," sabi nito sa mga pahayag noon.
Vanne Ellaine Terrazola