Naghain na ng Certificate of Candidacy (COC) si Pasig City Mayor Vico Sotto para sa ikalawang termino bilang alkalde ng lungsod sa Commission on Elections (Comelec) office sa Pasig City nitong Biyernes, Oktubre 1.
Kasama ni Sotto ang kanyang mga magulang na sina Vic Sotto at Coney Reyes.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Sotto na hindi na umano kailangan ng "drama" at "suspense" sa paghahain ng COC dahil kailangang unahin ang trabaho.
"Nag-file na po ako kaagad ng COC para tapos na, 'di naman kailangan ng drama at suspense. Basta, panahon man ng pulitika o hindi, uunahin natin ang trabaho," katwiran nito.
Humiling naman si Sotto na bigyan siya ng kasangga na mapagkakatiwalaan at hindi puwesto umano ang habol.
"Ang hiling ko lang sa inyo, bigyan niyo ako ng mga kasanggang MAPAGKAKATIWALAAN natin. 'Yung hindi puwesto o pera ang habol, kundi 'yung magiging katuwang ko para paigtingin pa ang mga reporma't serbisyo ng pamahalaan," ani Sotto.
Humingi rin siya ng paumanhin sa mga supporters niya.
"Pasensya na sa mga supporters na gustong sumama, hindi na ako nag-imbita... sumunod muna tayo sa Comelec health protocols...," anang alkalde.
Kaugnay nito, tatakbo namang bise alkalde si Robert "Dodot" Jaworski na siyang magiging running mate ni Sotto sa darating na 2022 elections.
Tatakbo si Sotto para sa ikalawang termino matapos ang ilang dekadang pamumuno ng mga kalaban nito sa pulitika.