Unang naghain ng certificate of candidacy (COC) para sa pagka-presidente si Senador Manny Pacquiao nitong Biyernes, Oktubre 1 sa Sofitel Harbor Garden Tent sa Pasay City.
Kasama ng senador sa paghahain ng COC ang kanyang running mate na si Buhay Partylist Rep. Lito Atienza.
Sa isang talumpati, nangako si Pacquiao na tutulungan niya ang mga tao na makabangon mula sa kahirapan sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic sa pamamagitan ng pagtuon sa ekonomiya, koneksyon sa internet, at elektrisidad, at iba pa kung sakaling mahalal siya.
Tiniyak din niya na tatapusin niya ang korapsyon sa gobyerno.
“Lahat ng mga magsasamantala sa bayan, magnanakaw, ninakawan amg sambayanang Pilipino bilang na po ang inyong maligayang araw sa inyong pagsasamantala sa gobyerno," ani Pacquiao.
“Kailangan magsama sama sila sa kulungan at mabigyan hustisya ang ating mga kababayan ng lumago ekonomiya ng ating bansa at magkaroon tayo ng tunay na pagbabago," dagdag pa niya.
Nominado ang senador sa tatlong political parties kabilang ang Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban), Probinsya Muna Development Initiative (Promdi), at ang People’s Champ Movement (PCM).
Sa isang panayam, sinabi ni Pacquiao na dahil umano sa mga problema na kinakaharap ngayon ng PDP-Laban ay napilitan umano siya na makipag-alyansa sa ibang partido.
“Because we have a problem in the party, we opted to just use Promdi in our CONA (certificate of nomination and acceptance),” aniya.
Gayunman, pinili ni Pacquiao si Atienza bilang kanyang running mate dahil sa karanasan at katapatan nitong tumulong sa mga tao sa ilang taon nito sa public service.
“I saw his sincerity, expertise, and real desire to help the country,” aniya.Kasama ni Pacquiao sa paghahain ng COC ang kanyang asawa na si Jinkee.
Leslie Ann Aquino