Bababa sa puwesto si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia upang tumakbo bilang congressman sa San Mateo, Rizal.
“I just want this to be formal, magbibitiw na po ako bilang general manager ng MMDA effective Oct. 4 dahil may intensyong akong tumakbo bilang kauna-unahang mambabatas ng ikatlong distrito ng Rizal, ang San Mateo," ani Garcia sa isang virtual presser nitong Biyernes, Oktubre 1.
Sinabi ni Garcia na balak niyang maghain ng kandidatura sa Oktubre 5.
Bago ang pagbitiw sa puwesto, ani Garcia na nakipag-usap na siya kay Executive Secretary Salvador Medialdea tungkol sa kanyang plano, dalawang linggo na ang nakalilipas, at kay MMDA Chairman Benhur Abalos, mga tatlong buwan na ang nakalipas.
Isiniwalat niya na hindi pa pinapangalanan ng ahensya ang opisyal na papalit sa kanya.
“I don’t want to preempt it but of course may mga irerekomenda tayo na tingin natin mas makakatulong sa ahensya… Mayroon nang inirerekomenda at ang masusunod naman diyan ang Office of the President pa rin dahil sila ang nagbibigay ng appointment," ani Garcia.
Ayon pa kay Garcia, sa kanyang limang taong pagtatrabaho sa MMDA, kung sakaling manalo siya ay nais niyang maging maayos ang mga imprastraktura ng San Mateo.
“Alam naman po natin ang San Mateo, isang hakbang lang Quezon City na, isang hakbang lang Marikina na pero noong makita ko, malaking pwedeng maging improvement pa sa imprastraktura. Kaya nanghihinayang ako at hopefully ‘yong aking natutunan ng halos limang taon ay mai-apply natin dito," dagdag pa niya.Betheena Unite