COVID-19 reproduction number sa MM, bumaba na sa 0.87 Bumaba pa ang reproduction number ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) sa 0.87 na lamang, mula sa dating 0.94, ito ay batay sa pinakahuling ulat ng OCTA Research Group nitong Huwebes.
Paliwanag ng OCTA, ang 0.87 na reproduction number ay ikinukonsidera nang ‘low’ o mababa, dahil mas mababa na ito sa 0.9.
Ang reproduction number ay ang bilang ng mga taong maaaring ihawa ng isang pasyente ng COVID-19. Ang ideyal umanong numero nito ay 1 pababa.
Ayon pa sa OCTA, ang seven-day average ng mga bagong COVID-19 cases sa rehiyon ay nasa 3,891 na lamang o pagbaba ng 17%.
Ang positivity rate naman ay bumaba rin sa 18%, mula sa 21% noong nakaraang linggo.
Sinabi naman ng grupo na ang naturang positivity rate ay ikinukonsidera pa rin na mataas.
“Using Covid Act Now guidelines, NCR remained at high risk but could possibly improve to moderate risk within a week,” anang OCTA.
Kaugnay nito, iniulat din naman ng OCTA na may anim na lugar sa rehiyon ang ikinukonsiderang nasa moderate risk, kabilang dito ang Navotas City, Manila, Malabon City, Pasay City, Valenzuela City, at Pateros habang ang iba pa namang lugar sa Metro Manila ay nananatili pa rin sa high-risk classification.Mary Ann Santiago