Isa sa mga presidential aspirants na naghain ng certificate of candidacy (COC) para sa Halalan 2022 nitong Biyernes ng umaga, Oktubre 1 si Senator Emmanuel “Manny” Pacquiao.

Dati nang bantog ang kuwento ni Pacquiao kasunod ng matagumpay na karera nito sa professional boxing.

Ipinanganak sa mahirap na pamilya si Pacquaio sa Kibawe, Bukidnon at namulat sa probinsya ng General Santos sa Mindanao.

Matapos mag-drop out sa eskwela, unang gumabay sa kanyang boxing journey ang kanyang tiyo na si Sardo Mejia.

Human-Interest

Mag-asawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pinagtapos naman ang 9 na anak!

Kalauna’y lumuwas ng Maynila ang batang Pacquaio para ipagpatuloy ang pangarap sa pagbo-boxing. Hindi naging sapat ang kinikita nito sa bawat panalo sa ring kaya’t naging hardinero, tagalinis, at construction worker si Pacquiao habang nagsasanay.

Sa edad na 16 taong-gulang, kalauna’y naging ganap na junior flyweight boxer si Pacquiao. Unang itinumba ni Pacquaio ang boksingero mula sa bansang Thailand na si Chatchai Sasakul kung saan nasungkit niya ang kauna-unahang World Boxing Council (WBC) flyweight title.

Mula noon, binansagan na si Pacquiao bilang “Fighter of the Decade,” at “Pound for Pound King” matapos maipanalo ang ilang world titles sa walong magkakaibang weight divisions.

Kung sa larangan ng boxing lang ang usapan, walang dudang pang-malakasan si Pacquaio. Kaya lang hindi boxing ring ang Malacañang.

Karera sa politika

Sa kanyang pausbong na kasikatan sa larangan ng boxing, taong 2003 nang tanggapin ni Pacquiao ang pagkilalang “Person of the Year in the Philippines.”

Apat na taon ang lumipas, unang sumabak si Pacquiao sa politika noong noong 2007 bilang senador ngunit bigo itong manalo. Sa ilalim ng sariling political party, ang People’s Champ Movement, matagumpay ang comeback ng boksingero at sa pagkakataong iyon ay nahalal na congressman ng Sarangani Province sa Mindanao. Dalawang terminong kinatawan ni Pacquiao ang probinsya sa Kongreso.

Bilang congressman mula 2010 hanggang 2016, pitong batas ang naipasa ni Pacquiao kung saan siya ang principal author sa isa rito habang co-author sa anim na iba pa.

Kabilang sa mga naipasang batas ni Pacquiao ang sumusunod:

-RA 10777or An Act Declaring September 1 of Every Year a Special Working Holiday and No Class Day in Schools in the Province of North Cotabato in Commemoration of its Founding Anniversary; naipasa noong Mayo 3, 2016

-RA 10679or the Youth Entrepreneurship Act; naipasa noong Agosto 27, 2015

-RA 10699or the ang Sports Benefits and Incentives Act of 2001; naipasa noong Nobyembre 13, 2015

Muling binalikan ni Pacquiao ang kandidatura sa senado noong 2016 kung saan matagumpay itong nakapasok sa Magic 12.

Bilang senador mula 2016 hanggang kasalukuyan, kabuuang 18 batas ang naipasa ni Pacquaio kung saan principal author siya sa 12 rito habang co-author sa anim na iba pa.

Ilan sa mga batas na ito ang sumusunod:

-RA 10929or the Free Internet Access in Public Places Act; naipasa noong Agosto 2, 2017

-RA 11055or the Philippine Identification System Act; naipasa noong Agosto 6, 2018

-RA 11210or the 105-Day Expanded Maternity Leave Law; naipasa noong Pebrero 20, 2019

-RA 11163or the National Bible Day Act; naipasa noong Disyembre 20, 2018

-RA 11227or the Handbook for OFWs Act of 2018; naipasa noong Pebrero 22, 2019

-RA 11224or An Act Establishing the Sarangani Sports Center; naipasa noong Pebrero 22, 2019

Kontrobersya, isyung kinasangkutan

Consistent ‘top’ absentee ng Kongreso at Senado

Notorious absentee si Pacquaio sa Kongreso at magkasunod na taong top absentee noong 2013 hanggang 2014. Nagpatuloy ang record na ito ni Pacquiao nang maging top absentee pati sa Senado mula taong 2018 hanggang 2019.

“Hindi naman po naging balakid ‘yun upang hindi ko magampanan ang aking trabaho sa publiko,” sabi ni Pacquiao nang muling ungkatin ang isyu ngayong taon.

Pahayag nitong “worse than animals” sa same-sex relationships noong 2016

Isang konserbatibong Kristiyano ang boksingero kaya’t nang tanungin ng isang programa sa TV5 ang reaksyon nito sa same-sex marriage noong 2016, “masahol pa sa hayop” ang agad na sambit ni boxing champ.

“Ginawa ang babae para sa lalaki. Ginawa ang lalaki para sa babae. Common sense lang. Makakita ka ba ng any animals na lalaki sa lalaki o babae sa babae? Mas mabuti pa ang hayop marunong kumilala. Kung lalaki sa lalaki, babae sa babae, mas masahol pa sa hayop ang tao,” eksaktong pahayag ni Pacquaio.

Agad na inulan ni Pacquaio ng batikos mula sa komunidad dahilan para humingi ito ng pasensya kalaunan.

Ilang malalaking personalidad at ilang kilalang brand ang bumitaw sa boksingero matapos ang kanyang ‘homophobic’ na pahayag.

Tila naghugas kamay naman ito sa panibagong pahayag ukol sa paksa sa kanyang paglabas sa programang Toni Talks.

Mabilisang college degree?

Matapos makuha ni Pacquaio ang kanyang degree in Bachelor of Arts in Political Science-Local Government Administration sa University of Makati noong Disyembre 2019, ilang netizens ang nagtaka sa mabilis na college diploma ni Pacquiao habang boksingero, mambabatas, occasional actor, at endorser ito.

‘Yun pala, sumailalim sa Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) si Pacquaio kung saan binibigyan ng pagkakataon ang isang high school graduate na tapusin ang isang academic program na kaugnay sa trabaho nito sa loob ng limang taon.

Sa ng ilalim ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd), nakuha ni Pacquaio ang kanyang high school diploma kung saan naipasa niya ang parehong equivalency at accreditation test.

P2.2B tax evasion case ng BIR vs. Pacquiao noong 2013

Matapos manalo laban sa Amerikanong si Brandon Rios sa Macau noong 2013, ginulat ng Bureau of Internal Revenue (BIR) si Pacquiao matapos maiulat na frozen ang assets ng boksingero.

Kaugnay nito ang umano’y tax deficiencies ni Pacquaio mula 2008 hanggang 2009 na nagkakahalaga ng P2.26 bilyon at lomobo ng P3.3 bilyon kabilang ang multa.

Giit noon ni Pacquiao, “walang basehan” ang naturang kaso.

Taong 2018 nang ilabas ng Court of Tax Appeals (CTA) ang cease and desist order laban sa paniningil ng BIR kay Pacquaio at sa asawa nitong si Jinkee.

Nasa tiket ng ng PDP-Laban (Pacquaio wing) si Pacquiao at ka-tandem nito bilang vice-president si House Deputy Speaker Jose “Lito” Atienza.