Nagpasalamat si Vice President Leni Robredo nitong Huwebes, Setyembre 30, sa nominasyon at pag-eendorso sa kanya ng opposition coalition 1Sambayan. 

“Nagpapasalamat ako sa nominasyon na ito ng 1Sambayan. Malaking karangalan ang tiwalang ipinagkaloob sa akin ng mga miyembro ng grupong ito," pahayag ni Robredo matapos ang opisyal na pag-eendorso ng opposition coalition sa kandidatura nito sa pagka-pangulo.

“Nagpapasalamat din ako sa mga kababayan natin nathese past weeks and months, have shown their overwhelming support sa atin," dagdag pa niya.

Gayunpaman, hindi binanggit ng bise presidente kung ang pag-endorso ng 1Sambayan ay hahantong sa opisyal na pagpapahayag ng kanyang kandidatura.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Pinanatili ni Robredo na ang kanyang pagsali sa presidential race at hindi aniya dapat base sa ambisyon lamang o sa paghimok ng ibang tao.

“Sa loob na ito dapat manggaling, dala ng pagharap sa lahat ng konsiderasyon at malalim na pagsusuri sa sitwasyon," ani Robredo.

Tiniyak ng bise presidente sa kanyang mga tagasuporta na alam niya ang kanyang responsibilidad bilang pinuno at bilang isang Pilipino.

“At taimtim na pagninilay at pagdarasal ang ginagawa natin. Sa mga susunod na araw, samahan ninyo akong magdasal pa," dagdag pa ni Robredo.

Ang 1Sambayan ang unang grupo na nag-endorso kay Robredo bilang presidente. Maging ang kanyang Liberal party (LP), na pinamumunuan niya, ay hindi pa nagkakaroon ng pormal na anunsyo ng pag-eendorso sa kanya.

Nauna nang sinabi ni Robredo na bibigyan niya ng oras ang kanyang sarili hanggang Oktubre 8, huling araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) kung siya ba ay tatakbo bilang presidente o hindi.

Pang-anim si Robredo sa huling Pulse Asia survey para sa presidential preferences na ang kanyang score ay tumalon mula sa 6 na porsyento noong Hunyo hanggang 8 na porsyento nitong Setyembre.

Raymund Antonio