Pinag-iingat ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko laban sa pagbili ng mga COVID-19 vaccines na AstraZeneca, Pfizer at Moderna mula sa mga online selling platforms at social media.
Sa isang paabiso nitong Huwebes, Setyembre 30, sinabi ng FDA na ito ay isang “scam” lamang dahil wala pang lehitimo at aprubadong COVID-19 vaccines na ipinagbibili sa internet.
Paalala pa ng FDA, ang mga lehitimong bakuna ay istriktong ina-administer at ipinamamahagi lamang ng mga national healthcare regulators.
“The public is advised that this is a scam which uses online platforms and social media to attract buyers especially those who have preference on the brand of vaccines, specifically our countrymen who work abroad (OFWs),'' anang FDA.
Ibinunyag ng FDA na modus operandi ng mga scammer na mag-alok ng promo gaya ng ‘Buy 2 Take 1 deal.’
Sa sandali naman umanong ilagay mo na ang iyong order sa online selling platform ay kaagad ka nang icha-chat ng seller at ibibigay ang kanyang pribadong contact number, gaya ng Viber, WeChat, o WhatsApp at hihilingin na bayaran sila sa GCash o bank transfer bago ipadala ang bakuna.
Hihingi rin umano ang mga ito ng delivery fee at insurance fee ngunit kahit mabayaran aniya ng mga biktima ang lahat ng ito ay wala namang bakuna na ipadadala sa kanila.
Kasabay nito, muli ring nagpaalala ang FDA sa publiko na maging vigilante laban sa mga naturang scams.
Binigyang-diin pa ng FDA na ang lahat ng COVID-19 vaccines sa bansa ay ipinagkakaloob lamang ng libre sa mga mamamayan upang maprotektahan sila laban sa virus.
“The FDA reiterates its call on the general public especially OFWs, to remain vigilant about these scams. Currently, all COVID-19 vaccines available in the Philippines are under Emergency Use Authorization, these are given by the Philippine government at no cost or free of charge,” anito pa.
Paalala pa ng FDA, ang marketing at pagbebenta ng mga anumang COVID-19 vaccine sa bansa ay mahigpit na ipinagbabawal at may katapat na parusa sa ilalim ng batas.
Nagbabala rin ito na walang katiyakan ang kaligtasan at kalidad ng mga bakuna dahil maaaring peke ang mga ito, hindi maayos ang pagkakabiyahe at hindi nakalagay sa tamang temperatura (cold chain).
"The public is reminded that counterfeit or spoiled vaccines may result to serious harm or injury, and may even lead to death," ayon pa sa FDA.
Pagtiyak naman ng FDA, sa kasalukuyan ay wala pang counterfeit COVID-19 vaccines na available sa bansa.
"All Law Enforcement Agencies (LEAs) and Local Government Units (LGUs) are requested to ensure that COVID-19 vaccines are not sold or made available in the market or areas of jurisdiction,” pagtiyak pa nito. “The Bureau of Customs is also urged to prevent the entry of the unauthorized COVID-19 vaccines.”
Hinikayat rin nito ang publiko na kaagad na isumbong sa kanilang tanggapan o sa mga awtoridad, kung may nalalaman silang ilegal na nagbebenta o namamahagi ng COVID-19 vaccines.
Mary Ann Santiago