Isang araw pa lang matapos na ipasara ng National Bureau of Investigation (NBI) ang illegal online sabong sa San Leonardo, Nueva Ecija, ay muli itong nagbukas sanhi upang dumagsa muli ang mga parokyano nito.
Dahil dito, kaagad na umaksyon si Philippine National Police (PNP) Region 3 Chief Brig. Gen. Val de Leon at muling ipinasara ang naturang illegal live streaming cockfighting sa Mavis sports complex sa nasabing bayan.
Ayon kay de Leon, ‘referred for further investigation’ lamang ang iniutos ng piskal kaya pinakawalan din ang may 250 katao na unang inaresto ng NBI sa naturang lugar, kabilang ang operator, empleyado at mga mananaya nito.
Muli naman umanong nagbukas ang ilegal na online sabungan kaya’t muli itong ipinasara ni de Leon dahil na rin sa kakulangan ng papeles at paglabag sa health protocols laban sa COVID-19.
“Pero may mga nagreklamo kasi na kulang ang kanilang kaukulang papel tulad ng notice to commence from PAGCOR, kaya pinahinto namin sila dahil wala silang maipakita ng ganyang papel,” dagdag ni de Leon.“May mga nagtimbre sa amin na nagkukumpulan ang mga tao sa loob, e violation ng health protocol yun.”
Sa ngayon ay inaalam pa ng PNP ang may-ari o mga operator ng iligal na pasugalan dahil hindi nila ito nadatnan doon.
Pero ayon sa ilang source sa PNP, isang opisyal sa probinsiya ang may-ari nito.
Samantala, maging si DILG Undersecretary RJ Echiverri ay nagsabing masusi nilang iimbestigahan ang naturang Online Illegal Sabong.
Tiniyak ni Echiverri na mananagot ang mga taong nasa likod ng operasyon ng ilegal na sugal habang bibigyan naman ng proteksyon ang mga legal.
Ang mga legal na online sabong ay nasa ilalim ng superbisyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Mary Ann Santiago