Humihiling ang grupo ng mga health workers nitong Huwebes, Setyembre 30 na palawigin ang Alert Level 4 sa Metro Manila dahil umano sa kakulangan ng tao sa mga ospital.

Sa isang panayam sa CNN Philippines, inaasahan ni Alliance of Health Workers (AHW) President Robert Mendoza na isaalang-alang ng Department of Health (DOH) ang sitwasyon ng mga health workers bago paluwagin ang restrictions.

Ayon kay Mendoza, maraming health workers na ang nagresign, nagretire, at umalis ng bansa dahil sa kakulangan ng benepisyo at takot na ma-infect ang kanilang pamilya.

“Sana naman tingnan muna natin ang kalagayan ng ating health workers bago tayo magbaba sa Alert Level 3 kasi sa ngayon tumitriple ang trabaho ng ating health workers na mga naiwan sa ospital dahil nagkaroon ng surge," dagdag pa ni Mendoza.

Sagad na ang pasensya? VP Sara pinagmumura sina PBBM, FL Liza, Romualdez

Binigyang-diin din ni Mendoza na isang nurse na lamang ang nag-aasikaso sa 10 hanggang 14 pasyente dahil sa kakulangan sa tao.

“Sana manatili sa Alert Level 4 at tingnan natin ang hospital occupancy, yung ating intensive care unit occupancy, [COVID-19] wards occupancy. Sana bumaba na muna at humupa talaga itong pasyente na nasa ospital," aniya.

Isinailalim ang Metro Manila sa general community quarantine with Alert Level 4 simula Setyembre 16 hanggang 30.

Gabriela Baron