Isa sa mga isyu ngayong kailangang tutukan ay ang mga pinagdaraanan ng mga tao ngayon, partikular ang kabataan, hinggil sa kanilang mental health, na mas lalong umigting dahil sa kawalan ng kasiguraduhan sa mga nangyayari, dulot ng pandemya.
Kaya naman, hindi nagdalawang-isip ang dating guro na si Joseph De Leon Advincula ng Tupas, Donsol, Sorsogon na buuin ang kaniyang mental health advocacy group na 'Bantay Kabataan KAUSAP Program' na may layuning gabayan at tulungan ang kabataang dumaranas ng depresyon dahil sa pandemya. Si Advincula ay kasalukuyang nagtatrabaho sa National Youth Commission, sa ilalim ng Office of the President.
Dahil umano sa patuloy na pagtaas ng kaso ng mga kabataan na nasasangkot sa pagkitil ng kanilang buhay dahil sa depresyon, kaya naisipan itong pag-ibayuhin ni Advincula, na naitatag na niya noong 2019, umusbong, at tuluyang lumago. Kasama niya sa pangangasiwa sina Anthony Fuensalida Sambajon, 29, dating seminarista at security guard na taga Bgy. Calzada Jovellar Albay, na nakaranas rin noon ng matinding depresyon at natulungan ni Advincula, kaya umanib na rin sa grupong ito.
Taong 2021, nakilala nila ang magbibigay-lakas at tanglaw sa kanilang adbokasiya, si Coach Jose Angelo Culala, isang lisensyadong Mental Health Counselor, Certified Life and Relationship Coach, at Psychometrician kaya nakumpleto ang tatlong tao na bumubuo ngayon sa adbokasiyang ito.
Nitong Hunyo 2021, opisyal nilang ni-launch ang KAUSAP HOTLINES, isang 24/7 hotlines na maaaring tawagan ng mga taong naghahanap ng karamay at kausap sa gitna ng nararamdaman nilang depresyon. Mula noon ay maraming mga tumatawag at nakikipag-usap sa kanila; minsan ay inaabot sila ng hanggang alas 4:00 ng madaling araw para lamang maestima ang mga ito.
Hunyo rin nang pagbuksan sila ng pintuan ng Bicol New ITV Legazpi, isang internet television sa Legazpi City, kung saan binigyan sila ng 5 araw na programa bawat linggo simula Lunes hanggang Biyernes ng hapon. Sa nasambit na programa, araw- araw silang nag-iimbita ng kabataan, magulang o propesyunal upang magbahagi ng kanilang sariling kuwento ng hirap at tagumpay upang makapagbigay ng inspirasyon sa mga kabataan at pamilya na nakakaranas ng depresyon.
Ano ang Bantay Kabataan Kausap Program? Paano ang proseso nito?
"Ang salitang Kausap ay may apat na proseso na kinuha sa apat na acronym ng salitang KAUSAP-ang unang proseso ay KAmustahin, pangalawa ay Umakay Process, ang pangatlo ay Samahan Process, at ang pang-apat naman ay Pagbutihin," paliwanag ni Sambajon.
"Ang unang proseso ay ang pag-create ng Kausap Hotlines, kung saan ito ay nasimulan na at nagagamit na sa kasakuluyan, Pagkatapos ay sasailalim na sila sa Process 2: ang Umakay, kung saan magaganap na ang Counseling sa tulong ng ating mga eksperto. Sa kasalukuyan ay “on process” pa ang pagde-develop ng process 3 dahil sa proseso na ito ay hihingin ang tulong at suporta ng mga ahensya ng gobyerno, NGOs, religious sectors or other social groups, sa proseso na ito magaganap ang 'healing through the help of the community."
"Sa huling proseso ay magaganap ang Pagbutihin o ang final assessment, susukatin rito kung napagtagumpayan ba ng kabataan ang programa, kapag hindi, mananatili siya sa proseso hanggang sa mapagtagumpayan at malampasan niya ito, sa oras naman na mapagtagumpayan niya, magiging bahagi siya ng kabataan volunteer at maaari na siyang tumulong sa ibang nangangailangan rin."
Kaugnay nito, para umano sa mga kabataan na may pinagdadaanan, maaari silang tawagan sa mga numerong 09269316055 o 09703510525, o kaya naman ay makipag-ugnayan sa kanilang mga Facebook Messenger account na Bantay Kabataan KAUSAP Program FB page. Bukas umano ang kanilang himpilan 24/7.
Bukas rin sila sa mga professionals, NGOs, kabataan o religious organization na gustong maging 'volunteer' kasama ng adbokasiyang ito.
"Kumakatok po kami sa mga may mabubuting loob na gustong tumulong para matulungan ang aming mga chosen indigent kabataan sa kanilang online class," ani Sambajon.
Umaasa ang sila na sa simpleng paraan, maraming buhay ang kanilang mababago at matulungan. Panaginip nila na isang araw, wala nang kabataang Pilipino ang mababalitaan na mamamatay dahil sa depresyon at pagpapakamatay, kundi isang kabataan na handang lumaban at makipagsabayan sa hamon ng buhay.
Magkakaroon sila ng '3rd National Online Kamustahan' sa Oktubre 2, 2021. Mapapanood sila nang live mula Lunes hanggang Biyernes, 6:00 PM hanggang 7:00 PM, sa Bicol News iTV Legazpi.