KIDAPAWAN CITY--Ligtas na ang siyam-na-buwang gulang na sanggol matapos aksidenteng malunok ang pushpin, sabi ng ina nito ngayong Miyerkules, Setyembre 29.
Ayon kay Angel Mae Dinaguit ng Barangay Poblacion, naidumi ng kanyang anak ang pushpin nitong Martes ng gabi.
“Nabunutan ako ng tinik sa dibdib pero kailangan pa rin namin siyang dalhin sa doctor para sa karagdagang pagsusuri dahil baka nagtamo siya ng sugat sa kanyang vital organs,” sabi ng ina sa lenggwaheng rehiyunal.
Pagsasalaysay ni Dinaguit, naghihintay siya ng kanyang order na milk tea mula sa isang stall sa tabi ng kalsada nang maabot ng anak ang isang bulletin board na may pushpin at kalauna'y nalunok ito.
Kalauna’y nakita sa X-ray ang pushpin sa large intestine ng sanggol.
Ayon sa isang doctor, natural na mailalabas sa katawan ng sanggol ang pushpin subalit maaaring masugatan ang ilang internal organs nito.
“Sabi ng doctor, one percent lang ang tsansa na maidudumi ng anak ko ang pushpin. God is good na nangyari ang isang milagro,” sabi ng ina.
Aabot sa halagang P70,000 hanggang P100,000 kung sakaling kinailangan ng bata ang operasyon.
Nakatakdang sumailalim sa isang physical examination ang anak ni Dinaguit sa provincial hospital sa Baranagy Amas, ngayong Miyerkules.
Philippine News Agency