Late reaction ang dating news anchor ng ABS-CBN News and Current Affairs na si Ces Oreña-Drilon sa kontrobersyal na panayam ni Toni Gonzaga sa dating senador at ngayon ay presidential candidate na si Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr., sa talk show vlog nitong 'ToniTalks' na umere noong Setyembre 14, 2021.
Ayon sa tweet ni Ces nitong Setyembre 27, nalungkot daw siya sa naging panayam na ito. Hindi naman niya tiyak na sinabi kung nadismaya o nagalit siya sa ginawa ni Toni na bigyan ng plataporma si BBM upang isalaysay ang kaniyang kuwento, lalo't isa sa mga highlights ng panayam ay tungkol sa ama nitong si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., o kung sa kinapapanayam na si BBM.
Ayon pa Ces, sa palagay niya ay marami umanong natutuhan si BBM sa kaniyang ama.
"Am so sad to watch Toni Gonzaga interview BBM. Sorry delayed reaction. Ngayon ko lang nakita kasi I thought I should watch him. Yes he learned a lot from his father-HOW TO PLUNDER THE NATION," saad sa tweet ni Ces.
Umani naman ito ng reaksyon mula sa mga netizens.
"Nagsisi po kayo na nag-guest kayo sa show niya po oh hindi naman? Kasi po sana huwag na lang bigyan ng platform ang mga kagaya niya. Nakakalungkot."
"Alin po ang nakapagpa-sad sa inyo? Yung interviewer, interviewee or yung topic?"
"Toni is just humanizing people in her interviews. She just wants to portray that we are all people and should unite as one. Move on na tayo kasi di na naman matatapos 'yan."
Si Ces ay nakapanayam din ni Toni sa ToniTalks noong Hulyo, at umikot ang panayam sa naranasan niyang abduction sa kamay ng mga bandidong Abu Sayyaf, noong 2008.
Isa si Ces sa mga na-retrench sa ABS-CBN noong 2008, matapos ma-deny ang aplikasyon nito para sa bagong prangkisa, para makapag-broadcast nationwide.
Samantala, hanggang ngayon ay wala pa ring opisyal na pahayag si Toni Gonzaga hinggil sa isyung kinasangkutan niya.