Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules na nakapagtala pa sila ng karagdagang pang 633 variant cases ng COVID-19 sa bansa.
Sa isang online briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang mga naturang variant cases ay natukoy mula sa 748 samples na isinailalim nila sa genome sequencing, kabilang ang kinuha mula Abril hanggang Hunyo.
Kabilang aniya sa natukoy nila sa naturang pinakahuling genome sequencing run ay 339 Delta variant; 186 Beta variant cases; 98 Alpha variant cases; siyam na P.3 variant cases; at isang kaso ng Gamma variant.
Sinabi ni Vergeire na ang 609 sa 633 variant cases ay pawang local cases habang 17 ang returning overseas Filipinos (ROFs).
Nasa pito pa aniya sa mga ito ang biniberipika pa kung local o ROF cases.
Nasa 616 naman aniya sa mga bagong variant cases ang nakarekober na at 10 naman ang binawian ng buhay.
Nasa lima naman sa mga ito ang nananatili pa ring aktibong kaso habang tinutukoy pa ang kalagayan ng dalawang natitirang iba pa.
Dahil naman sa mga bagong variant cases, ang Delta variant cases sa bansa ay nasa kabuuang 3,366 na ngayon, 2,559 naman ang total Alpha variant case, 2,920 ang Beta variant, 461 ang P.3, at tatlo ang Gamma variant.
Ang Delta, Beta, Alpha, at Gamma variants ay pawang ikinukonsidera ng mga health authorities bilang variants of concern habang ang P.3 variant naman ay tinukoy bilang “alert for further monitoring.”
Mary Ann Santiago