Tiniyak ni Vice President Leni Robredo sa mga miyembro ng Liberal Party (LP) nitong Martes, Setyembre 28, na alam niya ang kanyang mga responsibilidad bilang pinuno ng oposisyon. Lalo pa't papalapit na ang oras ng kanyang pagdedesisyon kung siya ba ay tatakbo bilang presidente sa 2022 polls.
“Alam kong tumatakbo ang oras. Mulat ako sa deadlines. Mulat din ako sa tungkulin ko bilang pinuno, bilang Chairman ng ating party, at in a sense, pinuno rin ng lahat ng taong kahanay natin sa layuning ito," aniya sa miyembro ng LP.
Sa kabila ng pagkakaantala ng kanyang desisyon, pinaalalahanan niya ang mga party members na dumalo sa National Executive Council meeting ng LP via Zoom na ang kanilang layunin ay ibahin ang pamamahala sa bansa.
Binigyang diin niya na kailangan wakasan ang pamamahala na "anti-democratic, anti-rights, corrupt at self-serving" na pinag-ugatan ng pagdurusa ng mamamayang Pilipino.
“Gusto kong idiin sa inyo na walang ibang tumatakbo sa isip ko ngayon kundi ang imperative na ito," ani Robredo.
Aniya patuloy pa rin ang unity talks, responsibilidad nila umano ang maghanap ng tao na parehas ang kanilang layunin.
“In this effort, hindi tayo nag-iisa. While not everyone will raise their hands and swear their oaths as members of our party, there are certain goals that align with ours,” ani Robredo.
“Tungkulin natin na hanapin ang mga alignment, kausapin ang willing kumausap, at i-exhaust ang lahat ng possible means para maging mas malaki ‘yung chance na ma-achieve natin ang mga layunin natin,” dagdag pa niya.
Magsisimula na sa Biyernes, Oktubre 1 ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) at magtatapos sa Oktubre 8. Ngunit wala pa rin itong desisyon ukol sa pagtakbo bilang pangulo.
“Patuloy ang dalangin at pagpupursige ko para masagot ang mga tanong na ito sa paraang makatao at makatarungan. At nagpapasalamat ako sa inyong tiwala. ‘Yung aking dasal lang ay in the next week or so, dagdagan pa natin ‘yung dasal, dagdagan pa natin ‘yung tiwala,” aniya.