Ang sana'y masayang paliligo sa isang talon ay nauwi sa malungkot na trahedya matapos tangayin ang tatlong katao ng rumaragasang putik-putik na tubig.
Tatlong tao ang nawawala matapos mangyari ang insidente sa Tinubdan Falls sa Catmon, Cebu.
Kinilala ang mga nawawalang sina Jacel Alastra, 32, residente ng Barangay Talangahan, Tuburan, anak niyang babaeng si Princess, 7, at pamangking lalaki na si Kent Junde Monterola, 17.
Hindi man inaasahan ang ganitong pangyayari ay maaari pa ring makaiwas sa masalimuot na insidente.
Ano nga ba ang mga dapat tandaan sa tuwing nagkakaroon ng kasiyahan sa ganitong lugar tulad ng talon?
- Siguraduhing may kasamang awtoridad
Sa mga paliguan tulad ng mga talon, inaasahan nang mayroong tao na nakatoka sa pagpapanatili ng kaayusan nito. Kung maliligo sa pampubliko o pribadong talon, siguraduhing may kasamang awtoridad. Sila ang may sapat na kaalaman sa naturang lugar. Kung may mangyaring hindi maganda, mas mabilis na makaka-responde ang ibang tao dahil sa tulong ng awtoridad.
- Iwasan ang malulumot na bato
Siguraduhin na ang tinatapakang bato ay walang lumot upang maiwasan ang pagkadulas at posibleng sanhi ng pagkabagok o pagkawalan ng balanse. Hindi rin maipapayo na gumamit ng tsinelas habang tumatawid sa mga bato. Mas maiging gumamit ng mga travel sandals o rubber shoes upang mas maging ligtas.
- Magtalaga ng mga "Water Watcher" sa mga kasama
Inaasahan nang grupo ang paliligo sa mga ganitong lugar. Hanggat maaari ay magtalaga ng "Water Watcher" sa inyong grupo o talong magmamatyag sa inyo habang nagkakasiyahan. Maaaring magpalitan ito at laging italaga ang isang nasa hustong gulang na maging isang Water Watcher lalo na kung may mga kasamang mga bata.
- Maghanda
Kahit na nasa gitna ng kasiyahan, magkaroon ng isang planong pang-kaligtasan. Siguraduhing mayroong telepono sa malapit, alam ang mga kasanayan sa CPR, at pagkakaroon ng kagamitan sa pagliligtas tulad ng makapal na lubid.
Anu't ano pa man ay mananatiling lamang ang may alam, kaya ay manatiling ligtas kahit na nasa gitna ng kasiyahan dahil walang nakakaalam kung kelan mangyayari ang mga trahedya.