Sabi nga sa matandang kasabihan, gagawin ng isang tao ang isinisigaw ng kaniyang damdamin harangan man ng sibat, masunod lamang ito.
Pero sa pagkakataong ito, hindi sibat ang humarang sa groom na si Erwin zabala, isang OFW, kundi mga pulis na nakabantay sa border checkpoint ng Urdaneta City, Pangasinan, dahil umano sa kakulangan ng papeles na kailangang ipakita bago payagang patawirin.
Ayon sa ulat, umuwi ng Pilipinas si Erwin upang pakasalan ang fiancee na si Ruby Papio.Nag-quarantine pa si Eric nang 10 araw sa Maynila at matapos na magnegatibo sa swab test ay dumiretso na ito sa Pangasinan nitong Linggo, Setyembre 27, ang araw ng civil wedding nila ni Ruby.
Subalit bago pa ito makatungtong ng probinsya ay hinarang ito ng mga awtoridad na nakatalaga sa TPLEX exit dahil wala itong dalang S-Pass.
Upang matuloy lamang ang kasal, tinawagan ni Erwin si Ruby na taga-Dagupan City naman at pinapunta sa checkpoint sa Urdaneta City. Makaraan ang ilang oras ay dumating si Ruby kasama ang pastor.
Natuloy ang kasal ng dalawa sa tulong ng mga nakatalagang tao sa checkpoint. Naging instant witness tuloy ang mga kawani ng Overseas Workers' Welfare Administration o OWWA, Philippine Coast Guard, mga pulis at ilang mga hindi rin pinapasok sa probinsya dahil walang S-pass.
Sa ngayon daw ay nasa Baguio City na ang bagong kasal para sa kanilang pulot-gata o honeymoon.