Matapos ang napakaraming taon, natuklasan na rin kung ano ang nasa loob ng kinatatakutang 'Well of Barhout' o mas kilala bilang 'Well of Hell' sa bansang Yemen, isang nabuong sinkhole na malapit sa border ng bansang Oman, sa disyerto ng Al-Mahra province, ayon sa ulat ng GMA News.
Ayon sa mga lokal, milyon-milyon na umano ang tanda nito, at pinaniniwalaaang bilangguan ito ng mga diablo at genie. Kaya naman, walang nagtatangkang lumapit kahit man lamang sa gilid nito, dahil mahihigop at mahuhulog umano sa kailaliman nito ang sinumang taong magtatangkang sumilip dito. Pinaniniwalaan ding lagusan ito patungo sa impyerno at may sumpa ito.
Marami nang nagtangkang scientist explorers ang nagtangkang suungin at tuklasin ang ilalim nito noon subalit hindi nila naaabot ang dulo dahil sa kawalan ng oxygen.
Hanggang sa maglakas-loob na ang Omani Caves Exploration Team nitong Setyembre 21, 2021 na alamin ang nasa loob ng sinkhole na ito, gamit ang kanilang mga makabagong kagamitan.
Mistulang paraiso sa loob ng ilalim nito nang masinagan na ng malaking ilaw. Walang diablo, genie, o anumang halimaw sa loob nito kundi mga iba't ibang species ng ahas, patay na hayop, palaka, at ibon. May mga tubig din at ilang halaman silang nakita rito. Mayroon ding cave pearls na nabuo dahil sa wlang humpay na tulo ng tubig. Nasa 112 metro ang nasukat na lalim ng Well of Hell. Kumuha sila ng samples ng mga hayop, halaman, at tubig upang mapag-aralan.